Advertisers
ARESTADO ng mga operatiba mula sa Bureau of Immigration-Intelligence Division (BI-ID) ang apat na dayuhan sa tatlong magkakahiwalay na operasyon sa Rizal, Quezon City at Mandaluyong City.
Sa ulat ni BI-ID Chief Fortunato S. Manahan, Jr., ang nasabing operations ay alinsunod umano sa direktiba ni President Ferdinand R. Marcos, Jr. para sa mahigpit na pagpapatupad ng immigration at iba pang kaugnay na batas.
Ayon kay Manahan, ang unang operation na isinagawa sa Cainta, Rizal ay nagbunga sa pagkakadakip kay Lamber Singh, 43 at Ranjodh Singh, 27, kapwa Indian nationals. “Lamber allegedly fraudulently acquired a resident visa, while Ranjodh failed to present valid immigration documents and was deemed an undocumented alien. Both were reportedly engaged in “5-6” lending activities,” ani Manahan.
Ikalawang naaresto sa Fairmont Park Subdivision sa Quezon City si Kulwinder Singh Gill, 36, Indian national, na ang visa ay nadiskubreng kanselado kaya’t siya ay lumalabas na isang undocumented alien. Sangkot din umano ito sa “5-6” lending activities.
Ani Manahan dinakip din ng BI-ID si Saeid Bahadoran Baghbaderani, 33, Iranian national, sa Sto. Cristo, Highway Hills, Mandaluyong City, habang nagnenegosyo nang walang kaukulang visa.
“He was also cited for alleged fraud and misrepresentation in his previous work visa, undesirability and failure to notify the BI of his change of residence,” dagdag pa ni Manahan.
Ang nasabing operations ay coordinated umano sa operating units ng Philippine National Police (PNP) at ang apat na dayuhan ay dinala sa BI Warden’s Facility at mananatili doon habang nahaharap sa deportation proceedings.
“The BI Intelligence Division will sustain intelligence-driven operations against foreign nationals involved in immigration violations and other unlawful activities,” ani Manahan. (JERRY S. TAN)