Advertisers
MARIING tumanggi ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magbigay ng detalye sa status ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na iniulat na nasa France habang hinaharap ang mga kasong kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.
Sa deliberasyon sa panukalang budget ng DFA, tinanong ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña kung ano ang kalagayan ni Co sa France at kung may timeline para sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas upang harapin ang mga kaso.
Ayon kay Misamis Occidental Rep. Sancho Fernando Oaminal, na sponsor ng DFA budget, hindi maaaring ibahagi ng ahensya ang detalye dahil mahigpit umanong confidential sa ilalim ng French law ang asylum applications.
Iginiit naman ni Cendaña na mahalaga ang papel ng DFA sa pagtulong na mapauwi sa Pilipinas ang mga taong nasa ibang bansa upang mapanagot sa mga kinakaharap nilang kaso.
Si Co ay kapwa akusado ni dating House speaker Martin Romualdez sa P7.4-bilyong plunder case na isinampa ng Ombudsman kaugnay ng umano’y kickback scheme sa mga government infrastructure projects, kabilang ang flood control.
Umalis ng bansa si Co noong Hulyo 2025 at hindi pa nakababalik sa Pilipi-nas.