Advertisers

Advertisers

IMMIGRATION OFFICER TIMBOG SA HUMAN TRAFFICKING SCHEME SA NAIA

0 4

Advertisers

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (Naia) sa Pasay City dahil sa umano’y sangkot sa human trafficking scheme.

Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na ang opisyal ng BI ay konektado umano sa mga illegal recruiter na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa sa mga aplikanteng walang sapat na dokumento.

Ayon kay Matibag, tinatawag na ‘gunner’ ang immigration officer, dahil sa kanya dadaan ang pasahero kung saan ay na-brief na sila ng recruiter na nag-book ng mga flight.

Aniya, ang recruitment ay ginagawa sa social media o sa online.

Sinabi rin ni Matibag na kumikita umano ang BI officer ng humigit-kumulang P500,000 araw-araw mula sa umano’y modus operandi.

Nagsimula ang imbestigasyon sa umano’y scheme matapos maghain ng reklamo ang isang 35 anyos na alyas ‘Inah” , sa Dangerous Drugs Division ng kawanihan, na binanggit na nire-recruit siya sa pamamagitan ng Telegram at Messenger bilang phone opertor sa isang Casino na malapit sa Myanmar-Thailand border.

Sinabi ng nagrereklamo na pinangakuan siyang magbabayad ng P50,000 buwan-buwan para sa posisyon, at nang tangkain niyang umatras sa alok, pinagbantaan umano siya ng isang recruiter at pinilit siyang magbayad ng P20,000 bilang processing fees.

Matapos maberipika ang impormasyon, nakipag-ugnayan ang mga ahente ng NBI sa nagrereklamo at dumating sa Naia Terminal 1, kung saan inutusan siyang magpatuloy para sa kanyang inaasahang flight patungong Thailand.

Matapos ibigay sa kanya ng isa sa mga umano’y recruiter ang lahat ng mga dokumentong kailangan para sa kanyang flight, isa pang kasabwat ang umano’y nagbigay sa kanya ng isang “mapa” na direktang nagturo sa kanya patungo sa counter kung saan naka-assign ang immigration officer.

Sinabi ng NBI na tinanong lamang ng immigration officer ang nagrereklamo kung kailan siya babalik sa Pilipinas. Agad siyang pinayagan na magpatuloy kahit na ipinakita lamang niya ang kanyang pasaporte at boarding pass, at kahit na wala siyang return ticket noong panahong iyon.

Matapos magtatag ng sapat na batayan na ang immigration officer ay bahagi ng umano’y operasyon ng trafficking, inaresto siya ng mga ahente ng NBI kasama ang mga ilegal na recruiter.

Ang immigration officer ay kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Inirekomenda rin ng NBI ang pagsasampa ng mga kaso laban sa apat na iba pang ilegal na recruiter dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act. (JOJO SADIWA)