Advertisers

Advertisers

Bangkay ng kelot, natagpuan sa ventilation area ng hotel

0 2

Advertisers

Natagpuan ang isang 49-anyos na lalaki na wala ng buhay sa ventilation area ng isang kilalang hotel sa Quezon City, nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si alyas “Aldrin”, 49, residente ng Palaruman St., Doña Damiana Village, Rosario, Pasig City.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), alas- 3 ng hapon nitong Huwebes (September 17), nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa ventilation area, sa harap ng Unit 906 ng hotel na nasa kanto ng Timog Avenue at Scout Ybardolaza St., Brgy. South Triangle, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Ajay G. Paras, bago ang insidente, napansin ng security guard na si alyas “Baccay”, ang pagtagas ng tubig mula sa ventilation area mula sa ika-8 palapag ng nasabing gusali.
Dahil dito, ipinagbigay-alam ng security guard sa maintenance personnel ang nasabing tagas upang kumpunuhin.
Nagtungo sa lugar ang maintenance personnel na si alyas “Portillano” upang hanapin ang pinagmumulan ng tagas ng tubig subalit pagkabukas niya ng bintana na katabi ng ventilation area ay tumambad sa kaniya ang biktima na nakahandusay sa semento.
Sa pagsusuri ng SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit, sa pamumuno ni P/Capt. Vimaylene Tacason, natukoy na ang pagtagas ng tubig ay sanhi ng deformed o nayuping tubo ng tubig, na pinaniniwalaang natamaan sa pagbagsak ng biktima.
Natagpuan naman sa ika-20 palapag ng gusali ang isang bag na pinaniniwalaang pag-aari ng biktima na umanoy hindi naman nangungupahan sa nasabing hotel.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.(Almar Danguilan)