Advertisers
Nagbabala si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Biyernes na maaaring malagay sa panganib ang bisa ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung babaguhin ang voting threshold sa kalagitnaan ng paglilitis.
Giit ng senador, dapat manatiling pareho ang mga panuntunan mula simula hanggang matapos ang paglilitis upang maiwasang mauwi sa mistrial o pagpapawalang-bisa ng mga naging proseso.
“I don’t want to have a mistrial. Ayoko po na maibasura lahat ng trabaho na ginawa sa trial na ito,” wika ni Cayetano sa isang Facebook livestream nitong September 18.
“And fairness dictates na kung ano ang rules mo sa umpisa, iyon ang rules mo sa huli,” dagdag niya.
Ito ay kasunod ng magkakaibang pananaw ng mga inimbitahang amici curiae ng impeachment court nitong September 16 kung saan sinabi nina retired Chief Justices Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban at Reynato Puno na hindi kinakailangang manatiling 16 na boto ang threshold para sa conviction, habang iginiit naman ni retired Associate Justice Adolfo Azcuna na dapat manatiling 24 ang denominator batay sa lahat ng nakaupong senador.
Ayon kay Cayetano, sinadya niyang hindi makisali sa mga talakayan hinggil dito dahil para sa kanya, naayos na ang usapin nang magpasya si Presiding Officer Francis Escudero noong simula ng palilitis noong July 6 na 16 na boto ang kailangan para sa conviction.
“No offense sa lahat ng amicus na nagbigay ng oras nila, kinikilala ko sila, I honor them, I honor their opinions… Pero hindi pwedeng in the middle of the trial, doon natin pag-uusapan na iibahin natin y’ung rules,” wika ni niya.
Binigyang diin din ni Cayetano na hindi dapat ituring ang mga itinakdang voting requirement sa Konstitusyon na mga numerong maaaring baguhin depende sa sitwasyon.
“Ang numbers sa Constitution ay fixed… Y’ung mga numbers na ‘yan are not arbitrary numbers na nandyan lang,” wika niya.
Aniya, dapat mabigyan ng sapat na pagkakataon ang prosecution at defense na maipakita ang kani-kanilang panig, ngunit sa ilalim ng iisang rules na pare-parehong ipatutupad sa buong paglilitis.
“You give the prosecution all the opportunity to prove their case and to convict the accused. And you give the defense all the opportunity to defend their client and get her or him, depending on the impeachment case, acquitted,” wika niya.
Nakatakdang dinggin ng impeachment court sa September 23 ang oral arguments ng prosecution at defense bago magpasya ang mga senator-judge kung pananatilihin ang naunang ruling ni Escudero na 16 na boto ang kailangan para sa conviction.