Advertisers

Advertisers

PANGA, PINABILIS ANG PAG-UNLAD NG PEZA; INVESTMENTS, SUMABOG SA P309.6-B

0 14

Advertisers

Sa gitna ng matinding kompetisyon sa pag-akit ng mga dayuhang mamumuhunan, muling pinatunayan ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang kakayahan nitong itulak ang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa nang makapagtala ng napakalaking P309.629 bilyong aprubadong investments sa unang sampung buwan ng 2026, lampas sa P300-bilyong target nito para sa buong taon.

Sa ilalim ng pamumuno ni Director General Tereso O. Panga, hindi lamang nalampasan ng PEZA ang itinakdang P300-bilyong investment target para sa buong taon, kundi nakapagtala rin ng isa sa pinakamataas na investment performance sa kasaysayan ng ahensya.

Malinaw na ipinakikita ng naturang resulta ang patuloy na pagtitiwala ng mga lokal at dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas bilang isang maaasahang destinasyon para sa negosyo, industriya at kalakalan.



Mula 2022 hanggang Oktubre 2026, umabot na sa P1.101 trilyon ang pinagsama-samang aprubadong pamumuhunan sa ilalim ng pamumuno ni Panga. Isang malaking ambag ito sa pagpapalawak ng oportunidad pang-ekonomiya at pagpapalakas ng kakayahan ng bansa na makipagsabayan sa pandaigdigang merkado.

Hindi rin basta numero ang ipinagmamalaking tagumpay ng PEZA. Sa likod ng bawat proyektong naaprubahan ay mga oportunidad sa trabaho, dagdag na kita para sa mga pamilya, bagong negosyo para sa mga komunidad at mas malawak na oportunidad para sa mga Pilipino.



Sa unang sampung buwan ng 2026, nakapagtala ang ahensya ng 240 aprubadong proyekto, kabilang ang 92 proyekto sa manufacturing, tig-40 sa IT-BPM at logistics, at iba pang pamumuhunan sa ecozone development, tourism, utilities at export-oriented businesses.

Inaasahang makalilikha ang mga proyektong ito ng 38,815 trabaho at makapag-aambag ng US$9.124 bilyon sa taunang exports.



Isa rin sa mga mahalagang tagumpay ng PEZA ang patuloy na pagpapalawak ng mga economic zone sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa ilalim ng administrasyong Marcos, pinangunahan ng ahensya ang pagtatatag at proklamasyon ng 50 economic zones, na naglalayong ilapit ang mga oportunidad sa pamumuhunan at trabaho sa mga lalawigan.

Kasabay nito, isinusulong din ng PEZA ang modernisasyon at paghahanda ng mga manggagawang Pilipino sa mga industriyang nangangailangan ng mas mataas na kasanayan at teknolohiya.

Kabilang dito ang PEZA Advanced AI Tech Academy, na nakapagtala na ng mahigit 27,000 training completions, gayundin ang Mold Technology Support Center na tumutulong sa pagsasanay ng mga manggagawa sa precision tooling, CNC machining at iba pang makabagong teknolohiya.

Hindi rin nagpahuli ang ahensya sa pagsusulong ng green at sustainable industrial development sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga eco-industrial park at pagpapatupad ng mga programang nagtataguyod ng malinis, episyente at climate-resilient na operasyon.

Sa larangan naman ng pharmaceutical industry, pinabilis ng PEZA ang pagbuo ng mga pharma zone sa Tarlac, Bulacan at Laguna, kasabay ng pakikipagtulungan sa Food and Drug Administration (FDA) upang mapadali ang regulatory compliance at palakasin ang lokal na produksyon ng mga produktong pangkalusugan.

Kapansin-pansin din ang patuloy na pagkilala sa PEZA dahil sa mahusay na paghahatid ng serbisyo sa mga mamumuhunan. Kabilang sa mga natamong parangal ang Presidential Lingkod Bayan Award na iginawad kay Panga noong 2025, gayundin ang pagkilala sa ahensya sa ARTA Report Card Survey Awards.

Sa usapin naman ng ambag sa kaban ng bayan, nakapag-remit ang PEZA ng P1.44 bilyon sa National Government para sa fiscal year 2025, na nagpapatibay sa papel nito bilang isa sa mga pangunahing revenue-generating government corporations.

Sa kabuuan, ipinakikita ng mga accomplishment na ito na ang PEZA ay hindi lamang ahensyang nag-aapruba ng mga proyekto at pamumuhunan. Isa itong mahalagang haligi sa pagsusulong ng industriyalisasyon, paglikha ng trabaho, pagpapalakas ng exports at pagpapalawak ng kaunlaran sa iba’t ibang rehiyon.

Sa pamumuno ni Panga, malinaw ang direksyon: mas maraming pamumuhunan, mas maraming oportunidad sa trabaho, mas makabagong industriya at mas matatag na ekonomiya.

Dahil ang tunay na sukatan ng tagumpay ng isang ahensyang pang-ekonomiya ay hindi lamang ang laki ng pamumuhunang naipapasok, kundi ang positibong pagbabagong naidudulot nito sa buhay ng mga Pilipino.