Advertisers

Advertisers

Sara buking sa undeclared dollar accounts?

0 8

Advertisers

Itinampok ng prosekusyon ng Kamara nitong Huwebes ang bagong nadiskubreng dollar accounts na pag-aari umano ni Vice President Sara Duterte matapos umatras ang kanyang depensa sa pagharap ng isang testigo mula sa Bank of the Philippine Islands (BPI) na maaaring usisain hinggil sa naturang mga account.

Ayon kay private prosecutor James Bryan Ibrahim Alih, kabilang sa mga dokumentong isinumite ng BPI ang isang liham na nagpapatunay sa pagkakaroon ng dollar accounts ng Bise Presidente na hindi naisama sa naunang subpoena ng prosekusyon.

“Gusto lamang naming bigyang-diin ang ilang bahagi, Your Honor, partikular ang isang liham mula sa BPI na nagpapatunay na may dollar accounts ang Bise Presidente,” pahayag ni Alih sa Senado na nagsisilbing impeachment court.



“Hindi namin ito nakita noon dahil hindi kasama sa naunang subpoena na inilabas ang mga dollar accounts,” dagdag niya.

Lumabas ang naturang impormasyon matapos ipabatid ni defense counsel Michael Poa sa korte na hindi na nila ihaharap bilang testigo si BPI Senior Vice President Paul Roderick Ysmael.



Ipinaliwanag ni Poa na ang pangunahing layunin sana ng pagharap ni Ysmael ay patotohanan ang isang liham na ipinadala niya sa bangko, subalit naamin na rin umano nito sa naunang pagdinig na siya ang sumulat ng naturang liham.

“Sa palagay ko, mas makabubuting hindi na natin ituloy ang pagharap ng testigong ito upang makatipid sa oras dahil ang layunin lamang naman ay patotohanan ang dokumento,” ani Poa.



Gayunman, iginiit ni Alih na nais sana ng prosekusyon na tanungin si Ysmael hinggil sa mga karagdagang dokumentong isinumite ng BPI, partikular ang liham tungkol sa dollar accounts ni Duterte.

“Iyon mismo ang isa sa mga puntong nais sana naming talakayin sa cross-examination kung papayagan, Your Honor,” ani Alih.

Hindi naman pinayagan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, na siyang presiding officer ng impeachment court, ang prosekusyon na talakayin agad ang mga dokumento dahil hindi pa umano pormal na natutukoy at naipiprisinta ang mga ito sa pamamagitan ng isang testigo.

Ayon kay Escudero, hindi maaaring basta na lamang ipalit ng prosekusyon ang sarili nitong interpretasyon sa mga dokumentong hindi pa naihaharap sa korte.

Gayunman, tiniyak niyang magkakaroon pa rin ng pagkakataon ang prosekusyon na talakayin ang naturang usapin sa pamamagitan ng mga nakasulat na isinumite, closing arguments o rebuttal evidence.

Posibleng maging panibagong sentro ng kontrobersiya sa impeachment trial ang pagkakadiskubre sa mga dollar accounts, partikular kung buong-buong idineklara ni Duterte ang kanyang mga deposito sa bangko at iba pang ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Nauna nang iniharap ng prosekusyon ang resulta ng forensic accounting na nagpapakita umano ng hindi maipaliwanag na yaman at hindi idineklarang mga ari-arian na nagkakahalaga ng hindi bababa sa ?817.87 milyon na iniuugnay kay Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025.

Nagharap din ang prosekusyon ng mga ebidensiya hinggil sa malalaking transaksiyon sa bangko sa kabila ng deklarasyon ni Duterte na wala siyang hawak na cash at walang deposito sa bangko batay sa kanyang mga SALN.

Hindi pa naman naitatatag sa korte ang aktuwal na halaga ng balanse at mga transaksiyong dumaan sa bagong nadiskubreng dollar accounts.

Sa kasalukuyan, inilalatag na ng depensa ang kanilang mga ebidensiya upang pabulaanan ang mga natuklasan ng prosekusyon sa ilalim ng Article II, ang nag-iisang natitirang impeachment charge laban sa Bise Presidente.