Advertisers

Advertisers

Banta sa mundo ang panggigipit ng China sa WPS

0 4

Advertisers

ATIN ang West Philippine Sea (WPS) at hindi tayo lamang ang nagsasabi nito – patunay ang pagbasura ng 2016 Arbitral Awards sa “nine-dash line” ng China, at sa award, ipinakilala sa buong mundo na tanging karapatan natin ito sa loob ng 200-nautical-mile Exclusive Economic Zone (EEZ) nito.

Pasaway, bully, astang maton ang China sa patuloy na panggigipit, walang paggalang sa batas international sa ating claim sa WPS na may matatag na pundasyon ng suporta ng UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea), at maging ng ating mga batas – ang Philippine Baselines Law at Maritime Zones Act.

Naitindig na natin ang ating paninindigan, at sa kabila ng daan-daang diplomatic protest, patuloy ang mga barko ng China sa ilegal na pag-okupa sa mga bahura at teritoryo natin sa Panganiban at , Zamora reefs.

Muli, uulitin natin, ayon sa UNCLOS (1982), atin ang sovereign rights sa tubig pasigan at aplaya na sakop natin sa loob ng 200 nautical miles ng exclusive economic zone (EEZ).

Nasa loob ng 200 nautical miles ng EEZ ang mga bahura ng Panganiban at Zamora reef, kaya itigil na nyo, China ang inyong aggression, at hindi tourist destination ang aming mga isla.

Itigil na nyo ang pagiging utak iskwater na basta na lang magtatayo ng istruktura sa mga isla naming, saka nyo titirikan ng inyong military at lakas navy.

Banta sa mundo ang ginagawa ng China!

Sa simula flares at water cannons at radio challenges at pambobomba ng tubig ang ginagawa ng Chinese Coast Guards at military vessel sa mga barko ng BFAR, at Philippine Coast Guard aircraft.

Nagtetesting lamang ang China pero ang totoo, ang ginagawa nyo ay isang direktang paglabag sa Karapatan ng Pilipinas sa sarili naming EEZ.

Militarization ang ginagawa ng China, at lantaran, walang pakialam na paglabag sa freedom of navigation o kalayaan sa paglalayag – isang unibersal na prinsipyo na dapat igalang ng lahat ng bansa.

Ayon sa 2012 Administrative Order (AO) opisyal na, tinatanggap ng maraming bansa ang tawag natin na West Philippine Sea.

Dinadaan ng China sa brasuhan ang labanan na hindi nito maipanalo sa legal – pero tayo bilang isang nagsasarili, malayang bansa, ay hindi magpapasindak.

Diplomasya ang sagot natin, at magpapatuloy tayo sa paghahain ng note verbale at protesta sa UN at sa China.

Tama ang ginagawa ng gobyerno natin: dokumentasyon at pag-iipon ng mga ebidensiya ng paniniil, harassment at pagdadala sa mga international forum – tulad ng Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS) para sa enforcement ng arbitral ruling.

Tama po na ating ihain sa UN General Assembly na ipasunod sa China ang gawad ng arbitral award at ang pagsunod ng China sa UNCLOS.

Tama na palakasin natin ang ating ugnayang diplomatiko sa ASEAN, US, Japan, Australia, at EU upang ipakita ang suporta sa freedom of navigation.

Tama ang pagtatatag ng mga joint patrols at maritime cooperation para sa seguridad at laging bigyan ng proteksiyon ang ating lokal na mangingisda sa pamamagitan ng Coast Guard escort at livelihood support.

Paglabag sa human rights at human security at kabuhayan ng mangingisda natin ang maraming ulit na aggression ng China.

Ang paninindigan natin ay hindi kapritso o pagpapakita ng kapangyarihan – ito ay makataong pagsunod sa batas internasyonal na dapat iginagalang ng lahat ng bansa, lalo na ang China!

Atin pong matinding sinusuportahan ang paninindigan ni Defense Sec.Gibo Teodoro na ang aggression ng China ay hindi usapin ng teritoryo: sangkot dito ang ating pambansang seguridad.

Tama si Sec. Teodoro at ang pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos sa pananaw na dapat nating ipagtanggol ang ating soberanya, at igiit sa China – sumunod ito sa international law, at itigil ang pag-okupa sa ating mga isla at bahura sa loob ng EEZ at teritoryo ng WPS.

Dapat lakipan natin ng ating sama-samang paninindigan at pagtindig laban sa agresyon ng China.

Ipakita natin, ang soberanya ng Pilipinas ay hindi maaaring yurakan.

Laban ito ng buong sambayanang Pilipino at patuloy nating isigaw, ating igiit: Atin ang West Philippine Sea!

Dapat itigil ng China ang pag-aastang maton sa Asia, at itigil na nito ang paghahari-harian at igalang ang soberanya ng Pilipina.

China, kung tunay kayong Asiano, tulad ng madalas nyong sinasabi na kayo ay mapagkalinga sa kapwa nyo, pakiusap, umalis kayo sa aming teritoryo at mga isla ng Pilipinas.

Igalang ninyo ang batas internasyonal at ang karapatan ng sambayanang Pilipino.

Wag kayong mag-astang maton ng mundo!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.