Advertisers
Masasabi na ang pahayag ni Bureau of Customs Commissioner (BOC) Ariel Nepomuceno na walang “sacred cows” sa Aduana ay isang malinaw na pangakong dapat bantayan ng publiko.
Ito’y matapos manawagan si Senador JV Ejercito Estrada na linisin ng pamunuan ng BOC ang sarili nitong hanay kasunod ng reklamong isinampa ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Sa naturang reklamo, aba’y lumutang daw ang mga pangalan nina BOC Special Agent Lucky Joy “Joy” Solmayor at Technical Support Staff Alexander “Alex” Arroyo Jr.
Sinasabing kapwa sila tinukoy ni Jesus Froilan Acebes Carpiso kaugnay daw ng transaksyon sa 225 kahon ng mga sigarilyo na hinihinalang puslit o smuggled.
Mahalagang idiin na ang mga ito ay mga alegasyon pa lamang at hindi pa katumbas ng isang pinal na hatol laban sa sinuman.
Kaya tama lamang na dumaan sa imbestigasyon at due process ang lahat ng sangkot bago magkaroon ng anumang pinal na konklusyon.
Sinabi mismo ni Commissioner Nepomuceno na ang bawat credible na alegasyon ay bibigyan ng kaukulang atensiyon at ang sinumang mapatunayang lumabag sa batas ay pananagutin.
Pero kasabay nito, may mga tanong na kailangang sagutin ng pamunuan ng Aduana tungkol daw sa patuloy na pagganap ni Solmayor sa ilang opisyal na gawain ng ahensya.
Kung may umiiral pang mission order para kay Solmayor, nararapat lamang na malinaw sa publiko kung ano ang batayan nito at kung bakit patuloy siyang kabilang sa naturang assignment, hindi po ba?
Hindi naman awtomatikong nangangahulugan na may kasalanan ang isang opisyal dahil lamang sa isang reklamo.
Gayunman, mahalaga ring matiyak na walang maaaring maging hadlang sa isang patas, malaya at kapani-paniwalang imbestigasyon.
Dito masusukat ang pangako ni Nepomuceno na walang “sacred cows” sa kanyang termino.
Kung may mapatutunayang pananagutan, nararapat ding ipatupad ang kaukulang proseso at parusa alinsunod sa batas.
Sabi nga, hindi dapat pangalan, posisyon o koneksiyon ang maging batayan ng pananagutan.
At ang dapat manaig ay ebidensiya, due process at batas—para sa lahat, walang pinipili.
Abangan!
***
Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.