Advertisers
Sa dami ng ingay, isang malinaw na sagot ang lumutang.
At hindi ito galing sa kampo ni Alan Peter Cayetano. Galing mismo sa Department of Public Works and Highways.
Sa Senate budget hearing, diretsahang tinanong ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si DPWH Secretary Vince Dizon: May ghost project ba sa Taguig?
Diretsahan din ang sagot ni Dizon: “Wala po. Sa aming imbestigasyon, wala po.”
Walang paligoy-ligoy. Walang “baka.” Walang “tinitingnan pa namin.” Wala.
At nang hingan pa ng detalye, sinabi ni DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III na may 107 proyekto sa Taguig na na-verify ng DPWH at lahat ay may accomplishment.
Kaya mahalaga ang tanong ni Cayetano dahil hindi niya sinabi na huwag nang imbestigahan.Sa halip, ipinunto niya na tingnan ninyo ito at suriin ninyo. Ito ang dapat marinig ng publiko. Dahil kung may duda, ilabas ang dokumento.Kung may proyekto, tingnan ang proyekto. Kung may accomplishment, i-verify. At kung may problema, tukuyin.
Hindi naman dapat mahirap ang prinsipyo: ang pera ng bayan ay dapat mabantayan hanggang sa huling sentimo at ang proyekto ay dapat makita hanggang sa aktuwal na lugar.
BAHA ANG MAS MALAKING PROBLEMA
May isa pang mahalagang punto na lumabas sa pagdinig. Ang usapin ng baha ay hindi matatapos sa tanong kung “ghost” ba o hindi ang isang proyekto.
Mas malaki ang problema. Urbanisasyon. Mga creek at waterways. Waste management. Building permits. No-build zones. Maintenance. Disenyo ng flood-control structures. Lahat iyan may koneksyon sa pagbaha. At dito naging kapaki-pakinabang ang mga tanong ni Cayetano. Tinulak niya ang pag-uusap patungo sa mas malaking tanong: Gumagana ba talaga ang mga proyektong ginagawa ng gobyerno para sa mga taong binabaha?
Iyan ang tanong na dapat sagutin. Hindi lamang sa Taguig kundi sa buong bansa.
TAGUIG, MAY MODELO RIN
Sa pagdinig, naging positibo rin ang pagkakalarawan ni Dizon sa lakeshore development ng Taguig.
Ayon sa kalihim, ilang beses na niyang nakita ang development at tinawag itong modelo. Sinabi rin niyang ang Taguig ang may “most developed” lakeshore management sa mga lugar na napag-usapan.
Hindi ito maliit na bagay. Sa gitna ng kontrobersiya sa flood control, may isang opisyal ng national government na nagsasabing may mga development practice sa Taguig na maaaring tingnan bilang modelo. Hindi ibig sabihin nito na wala nang dapat suriin, kundi kung may gumaganang proyekto, tingnan din natin kung bakit gumagana.
At kung maaari itong pag-aralan at gamitin sa ibang lugar, bakit hindi?
PUBLIKO DAPAT MAKINABANG
Napag-usapan din ang Lower Bicutan–Muntinlupa road project.
Nilinaw ni Cayetano na ang pangunahing road project ay DPWH-led, habang ang mga mungkahing improvement mula sa Taguig ay kinabibilangan ng biking lane at linear park para sa mga residente.
Kinumpirma naman ni Dizon na inayos na ng DPWH ang exit ramp para tugunan ang traffic concerns. Muli, may mahalagang aral dito. Hindi sapat na sabihin nating “may proyekto.”
Ang tanong: May pakinabang ba sa tao? Nakababawas ba ng traffic? Nakadaragdag ba ng accessibility? Nakagagawa ba ng mas ligtas na espasyo? Nakakatulong ba sa komunidad?
Iyan ang tunay na sukatan ng imprastruktura.
OMBUDSMAN NA ANG MAGHUSGA
Siyempre, hindi mawawala sa usapan si Senador Panfilo Lacson.
May mga sinabi siyang alegasyon at may mga tanong siyang iniharap tungkol sa mga proyekto sa Taguig. Mayroon ding usapin na, gaya ng iniulat, ay napunta na sa Ombudsman.
At dito marahil dapat huminto muna ang palitan ng salita. Kung may naisampa na sa Ombudsman, hayaan nating magtrabaho ang Ombudsman.
Iyan ang tamang lugar para sa ebidensya. Hindi dapat husgahan ang isang tao dahil lamang sa alegasyon. Pero hindi rin dapat ipagsawalang-bahala ang isang alegasyon kung may ebidensyang dapat suriin.
Simple lang.
Imbestigahan. Patunayan. At saka magdesisyon.
Kung may kasalanan, managot. Kung may iregularidad, itama.
Kung walang paglabag, sabihin din nang malinaw.
Dahil ang gusto naman ng publiko ay hindi political boxing match.
Gusto nila ng katotohanan.
Sa huli, ang tao ang dapat manalo.