Advertisers
TINIYAK ni Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo sa publiko na ang napipintong pagtanggal ng systems loss sa electricity bill ay di pwede bawiin ng mga electric companies sa ibang paraan.
Ang pahayag ay matapos ang ilang agam-agam ng mga konsyumer na baka pagtanggal sa systems loss charge ay bawiin naman sa distribution o supply charges ng mga kumpanya.
“Nakinita na namin ‘yang lusot na ‘yan at di yan pwede, Hindi naman maaaring tinanggal lang natin yung systems loss charge sa isang bahagi ng bill tapos makikita lang din natin isiningit na pala sa isang bahagi,” ani Tulfo.
“Kaya itong isinusulong nating panukala, malinaw doon na bawal ma-recover ng mga distribution facilities at electric cooperatives ang allowed losses sa pamamagitan ng distribution wheeling charges, supply charges, metering charges, universal charges, subsidies, o kahit na anong bahagi ng bill” dagdag niyan.
Ang panukalang tinutukoy ng Senate Energy Panel chairman ay ang Senate Bill No. 2486 o ang “Systems Loss Charge Removal Act”, isang priority measure ng kasalukuyang administrasyon, na matagumpay niyang ini-sponsor sa plenaryo noong 22 Setyembre.
“Bakit kailangan konsyumer ang sasalo ng kuryenteng di naman niya ginamit? Bakit sasaluhin ng konsyumer kung di maayos yung pamamalakad o sira-sira1 ang gamit ng kumpanya?” pagtatanong ni Tulfo.
“Talong-talo ang konsyumer sa ganitong sistema. Dahil sila na ang sasalo ng gastos, sila pa ang gagastos ng di kagandahang serbisyo,” pagdidiin ng Tagapanguko.
Kaya naman hinimok ni Tulfo na mas maging mabilis na ang takbo ng panukala at gawin na itong batas para matuldukan na ang pagpapasa ng system loss charge sa mga konsyumer.
“Hindi luho ang kuryente, pangangailangan ito para mabuhay nang may dignidad sa makabagong panahon,” anang Senador.
“Ibigay natin ang deserve ng Pilipinong konsyumer: Maayos na serbisyo at patas na singil sa kuryente,” pagtatapos nito.