Advertisers

Advertisers

TIMELINE NG PROYEKTO AT KAWALAN NG KANYANG PIRMA DAPAT SURIIN – MATUGAS

0 7

Advertisers

IGINIIT ni Surigao del Norte 1st District Rep. Francisco “Lalo” Matugas sa Office of the Ombudsman na hindi siya lumagda sa anumang dokumentong may kaugnayan sa Mahayhay-Tuburan Road project at wala siyang pampublikong posisyon sa malaking bahagi ng panahong ipinatupad ang proyekto at isinagawa ang mga pagbabayad para rito.

Inilahad ni Matugas ang mga puntong ito sa kanyang counter-affidavit na inihain kaugnay ng preliminary investigation sa road project sa Del Carmen, Surigao del Norte.

Ayon sa counter-affidavit, natapos ang termino ni Matugas bilang gobernador noong Hunyo 30, 2022. Wala rin siyang hinawakang anumang halal o anumang posisyon sa pamahalaan mula Hulyo 1, 2022 hanggang Hunyo 30, 2025, bago siya nanungkulan bilang kongresista noong Hulyo 1, 2025.



Nakasaad sa complaint, na isinagawa ang kontrata para sa proyekto noong Pebrero 22, 2022 at ang mga pagbabayad sa contractor na Boometrix Development Corporation mula Pebrero 23, 2022 hanggang Marso 24, 2024.

Sinabi ni Matugas na dapat isaalang-alang ang panahong wala siya sa pampublikong posisyon at ang mga dokumento ng proyekto sa pagtukoy sa kanyang umano’y partisipasyon sa mga kinukuwestiyong transaksiyon.



“Hindi ako kailanman lumagda sa anumang dokumentong may kaugnayan sa Proyektong ito,” pahayag ni Matugas sa kanyang counter-affidavit.

Itinanggi rin niya na nakibahagi siya sa paghahanda, pagsusuri o pag-apruba ng mga dokumento ng proyekto, disbursement vouchers, inspection reports o certifications na kinukuwestiyon.



Tinalakay din sa counter-affidavit niya ang isang Real Estate Mortgage (REM) na nilagdaan ni Matugas at ng kanyang asawa noong Mayo 1, 2025, na ginamit sa complaint bilang batayan ng alegasyong mayroon siyang pinansyal o ekonomikong interes sa Boometrix.

Ayon sa counter-affidavit, ang REM ay nagsilbing security para sa loan na kinuha nina dating Rep. Francisco “Bingo” Matugas II, asawa nitong si Ethel, at Boometrix. Pumayag si Matugas at ang kanyang asawa na isangla ang kanilang ari-arian bilang security para sa loan.

“Ipinakikita ng REM na noong Mayo 1, 2025, pumayag kami ng aking asawa na isangla ang aming ari-arian upang magsilbing security para sa loan ng Boometrix sa RAMPVER FINANCIALS INC., isang financing company,” pahayag ni Matugas.

Sa kanyang counter-affidavit, inilarawan ni Matugas ang sarili bilang third-party mortgagor na “nagbigay lamang ng accommodation para sa loan ng kumpanya.”

Iginiit niya na hindi pinatutunayan ng REM na nakibahagi siya sa road project o sa pamamahala ng Boometrix.

“Hindi man lamang binabanggit sa mga probisyon ng REM ang DPWH Project o binibigyan ako ng karapatang makibahagi sa pamamahala ng Boometrix,” pahayag niya.

Binigyang-diin din ni Matugas ang panahon kung kailan nilagdaan ang mortgage. Nilagdaan ang REM noong Mayo 1, 2025, mahigit isang taon matapos ang huling pagbabayad para sa proyekto noong Marso 24, 2024 na tinukoy sa complaint.

Nang lagdaan ang REM, walang hawak na pampublikong posisyon si Matugas. Nanungkulan lamang siya bilang kongresista noong Hulyo 1, 2025.

Kinuwestiyon din ni Matugas ang complaint na ang relasyon niya sa pamilya ng mga shareholder ng Boometrix ay sapat upang patunayan ang conspiracy o ang kanyang partisipasyon sa mga umano’y iregularidad sa proyekto.

“Wala dito ang nagpapatunay na pumayag akong makibahagi, o gumawa ako ng anumang hakbang upang isulong, ang mga umano’y labag sa batas na transaksiyong inilarawan sa Complaint,” pahayag niya, na tumutukoy sa REM at sa relasyon niya sa pamilya ng mga shareholder ng Boometrix.

Iginiit niyang hindi siya stockholder o opisyal ng Boometrix at itinanggi niyang nakatanggap siya ng anumang bahagi ng kita mula sa proyekto.

Nagsasagawa ang Office of the Ombudsman ng preliminary investigation sa mga umano’y iregularidad na may kaugnayan sa Mahayhay-Tuburan Road project, kabilang ang mga usapin tungkol sa iniulat na accomplishment at mga pagbabayad para rito.

Hinihiling ni Matugas na ibasura ang mga alegasyon aban sa kanya, dahil aniya’y nabigo ang complaint na magpakita ng prima facie evidence na may makatwirang katiyakan ng paghahatol.

“Samakatuwid, ang REM at ang aking mga ugnayang pampamilya, magkahiwalay man o pinagsama, ay hindi nagbibigay ng sapat na factual basis upang iugnay sa akin ang mga ginawa ng ibang respondents,” dagdag ni Matugas.