Ligtas na Paaralan; Parañaque nag-install ng mga metal detector para sa kaligtasan ng mga estudyante
Advertisers
Lahat ng estudyante na papasok sa mga pampublikong paaralan sa Parañaque City ay kailangan ng dumaan sa mga walk-through metal detector habang pinapaigting ng pamahalaang lungsod ang seguridad sa mga paaralan.
Pinangunahan ni Mayor Edwin L. Olivarez ang pormal na paglulunsad ng mga scanner sa Don Bosco Elementary School sa Barangay Don Bosco at Parañaque National High School Main sa Barangay San Dionisio noong Biyernes, Setyembre 25.
Labing-anim na scanner ang na-install sa mga pampublikong paaralan, na may susunod pang mga yunit.
Sinabi ni Olivarez na ang kagamitan ay nagpapatibay sa umiiral na mga hakbang sa seguridad na isinasagawa ng mga awtoridad ng paaralan, mga guwardiya, at Civil Security Unit.
Kabilang sa mga paaralang nilagyan ay ang Parañaque National High School Main, Don Bosco High School, PNHS Senior High School, Moonwalk National High School, Sun Valley National High School, Dr Arcadio Santos National High School, Masville National High School, Parañaque Science High School, Tambo National High School, Marcelo Green National High School, Don Galo National High School, Sto. Niño National High School, at San Antonio National High School.
Sinabi ni Local School Board head Dolly Villar na siyam pang scanner, dalawa para sa high school at pito para sa elementarya, ang ilalagay sa pagitan ng Oktubre at Nobyembre.
Plano ng lungsod na maglagay din ng mga scanner sa lahat ng 45 pampublikong kampus.
Ang rollout ay bahagi ng isang mas malawak na programa sa seguridad na kinabibilangan ng CCTV installation at deployment ng mga tauhan ng Civil Security Unit.
Binigyang-diin ni Olivarez ang pangangailangang protektahan ang 97,797 na estudyante ng lungsod at hinimok ang mga pribadong paaralan na magpatupad din ng mga katulad na hakbang, upang maiwasan ang mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga estudyante at mapigilan ang pagpasok ng baril, patalim at iba pang nakakamatay na armas sa loob ng kampus. (RONALD BULA)