Advertisers
NAGDEKLARA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng special non-working days sa pitong munisipalidad at tatlong lungsod sa bansa para bigyang-daan ang pagdiriwang ng kanilang mga pista, anibersaryo at makasaysayang okasyon.
Ito’y matapos lagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto ang Proclamation Nos. 1466 hanggang 1475 noong Oktubre 5.
Kabilang dito ang Talisay, Batangas sa Oktubre 12; Malita, Davao Occidental noong Oktubre 7; San Isidro, Surigao del Norte nitong Oktubre 9; at Lapuyan, Zamboanga del Sur sa Oktubre 16.
Idineklara ring special non-working day ang Oktubre 20 sa Batac City, Ilocos Norte para sa ika-160 kaarawan ni Heneral Artemio Ricarte, at Oktubre 21 sa Sibutu, Tawi-Tawi para sa founding anniversary nito.
Sa Oktubre 23 naman ang deklarasyon sa Angeles City para sa Tigtigan Terakan Keng Dalan Festival at sa Narvacan, Ilocos Sur para sa Aldaw Ti Wayawaya-lli A Narvacan.
Kasama rin ang Dingle, Iloilo sa Oktubre 28 para sa paggunita sa Cry of Lincud, at Mati City, Davao Oriental sa Oktubre 29 para sa Sambuokan Festival.
Ayon sa Malakanyang, layunin ng mga deklarasyon na mabigyan ng pagkakataon ang mga residente na makilahok sa kani-kanilang pagdiriwang at makasaysayang okasyon. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)