Advertisers
Iyan ang magandang katanungan kaugnay sa imbestigasyon sa sinasabing kuwestiyunableng mga proyekto sa Lungsod ng Taguig.
Sa patuloy na imbestigasyon at talakayan sa Senado kaugnay sa mga proyekto ng pamahalaan, isa sa pinakamahalagang suriin dito ay kung ang mga nakalap na impormasyon ay nakabatay sa malinaw na ebidensiya o kung ito ba ay bunga lamang ng pampolitikang hindi pagkakaunawa.
Katunayan, ang madalas na nangyayari sa mga imbestigasyon, bago pa man magkaroon ng pinal na konklusyon o desisyon, nangunguna na sa pag-iingay ang media sa mga opisyal na proseso.
Batid naman natin na sa mga nakalipas na linggo, sunod-sunod ang naging pagpuna ni Senator Panfilo Ping Lacson sa ilag proyekto sa Taguig kung saan ay inuugnay kay Senator Alan Peter Cayetano.
Dahil dito, hindi maiwasan itanong ng publiko kung ang layunin ba ay paghahanap ng katotohanan o kung may halong pamumulitika ang usapin?
Naitanong ito dahil tila kuwestiyonable ang tatlong banat ni Lacson laban sa Taguig. Bakit naman kuwestiyonable samantalang kilala at magaling na imbestigador si Sen. Ping?
Unang bumanat si Ping sa usapin ng mga “ghost projects” sa flood control, kaduda-dudang larawan sa billing, at duplicated appropriations. Aba magandang imbestigahan nga iyan dahil pera ng bayan ang pinag-uusapan dito.
Pero sa Senate budget hearing noong Setyembre 25, nagkaroon ng malaking lamat ang teorya. Dahil mismong si DPWH Secretary Vince Dizon ang nagsabi noong una na walang nahanap na ghost project sa Taguig sa pangkalahatang sitwasyon, habang si Undersecretary Ricardo Bernabe III ay nag-ulat na may 107 na proyekto sa lungasod at may aktwal na accomplishment.
May kulang man o mali sa papeles, malinaw ang isang bagay, may totoong nakatayong gusali at proyekto sa Taguig. Hindi kathang isip lang, hindi ghost tulad ng nais na iparating sa media.
Pero hindi tumigil si Lacson. Pinipilit pa rin ang larawan at geolocation data.
Nung lumalabo na ang ghost project issue, pumasok ang pangalawang issue, ang illegal reclamation sa Laguna de Bay. Tinukoy ng Senador ang 30 ektarya ng lupa na binubuo ng 7 lote na dumaan daw sa reclamation nang walang pahintulot ng Philippine Reclamation Authority(PRA).
Dapat ba itong silipin? Oo. Pero sapat na ba ito para sabihing si Cayetano ang personal na nag-apruba ng proyekto? Malayong magkaiba ang reclamation violation sa personal na kasalanan ng isang opisyal.
At nung hindi pa rin sapat ‘yan, lumitaw ang pangatlong banat, ang “fake titles”. Apat na parcel ng lupa na may 38.83 ektarya daw ang peke at walang kaukulang record sa LRA.
Pero sa pagdinig noong Setyembre 22, malinaw din ang pahayag ng PRA, hindi idineklara ng PRA na peke ang mga titulong iyon. Magkaiba ang titulong may usapin sa registration sa titulong sadyang pineke. Magkaiba rin ang usapin sa lupa sa krimen ng isang pampublikong opisyal.
Tatlong magkakaibang akusasyon na ginamit para ipukol sa kalaban, Tatlong akusasyon na walang malinaw na ebidensya.
Ang tanong, anong klaseng imbestigasyon ito? Ang katotohanan ba ang sinusundan, o may gustong ipilit na kwento para lang maipit ang target.
May punto si Cayetano nang sabihin nyang “selective scrutiny” o pampolitikang pamumulitika lang ito. Dahil kung seryoso talaga si Sen Ping sa pagsugpo sa anomalya, bakit ang Taguig lang at si Cayetano ang puntirya nito?
Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na matagal na sa law enforcement si Sen Ping. At siyempre bilang dating PNP Chief, alam niya dapat na ang tunay na hustisya ay hindi naghahanap ng pwedeng ipitin, kundi naghahanap ng purong katotohanan.