SC: MALAYANG PANANALITA MAY PINAKAMATAAS NA PROTEKSYON; SEN. SOTTO LIGTAS SA DESISYON NI JUSTICE LEONEN
Advertisers
SA isang mahalaga at makasaysayang desisyon na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, muling pinagtibay ng Korte Suprema ang matatag nitong paninindigan sa kalayaan sa pagpapahayag matapos nitong ibasura ang petisyong ‘indirect’ contempt laban kay Senador Vicente “Tito” Sotto III.
Ang usapin ay nag-ugat sa naging hatol ng Korte Suprema noong nakaraang taon sa impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte (G.R. Nos. 278353 at 278359).
Sa naturang desisyon na isinulat din ni Justice Leonen, idineklara ng Hukuman na unconstitutional at void ab initio ang impeachment complaint dahil sa paglabag sa one-year bar rule ng Saligang Batas at sa kawalan ng due process sa Mababang Kapulungan.
Matapos lumabas ang paborableng hatol kay VP Duterte, hayag at matinding ipinahayag ni Senador Tito Sotto sa media ang kanyang pagtutol sa naging desisyon at sa mismong ponente na si Justice Leonen. Binatikos ng senador ang legal na argumento ng Hukuman sa mga pampublikong panayam.
Dahil dito, naghain ng petisyong ‘indirect contempt’ sa Korte Suprema si Atty. Manuelito Delos Reyes Luna at iba pang petisyoner (Luna v. Sotto, G.R. No. E-04678), kungsaan iginiit nilang ang mga pahayag ni Sotto ay nagpapababa sa dignidad ng Hukuman at humahadlang sa patas na pagpapatakbo ng hustisya.
Subalit sa desisyon ni Justice Leonen sa ‘Luna v. Sotto’, ipinaliwanag ng Hukuman na ang political speech ang nagtataglay ng pinakamataas na antas ng proteksyon sa ilalim ng Saligang Batas dahil ito ay direktang pagpapakita ng kapangyarihan at soberanya ng taumbayan.
Binigyang-diin ng Korte na kahit hayag ang kawalan ng pagsang-ayon ni Sotto sa desisyon at kay Justice Leonen, ang kanyang mga pahayag ay hindi kailanman pumasok sa antas ng contemptuous conduct sa ilalim ng Rule 71, Section 3(d) ng Rules of Court.
Muling ipinaalala ni Justice Leonen mula sa kanyang naunang panulat sa Tolentino v. Heydarian na ang mga hukuman, tulad ng iba pang sangay ng gobyerno, ay dapat manatiling bukas sa pampublikong pagsusuri at kritisismo.
Ipinaliwanag din sa desisyon na ang mga pahayag ukol sa mga pampublikong opisyal ay protektado ng doctrine of fair comment, kung saan binigyang-diin na “the guarantee of free speech was enacted to protect not only polite speech, but even in its most unsophisticated form.”
Gamit ang pinakamahigpit na incitement test at clear and present danger test, walang nakitang seryosong banta ang Hukuman sa pagpapatakbo ng hustisya, at walang anumang ebidensya ng malisya, bad faith, o kaugnayan ang mga salita ni Sotto sa kaguluhan o stochastic terrorism.
Ipinamalas din ni Justice Leonen ang kanyang progresibong pag-unawa sa digital era at sa epekto ng social media algorithms sa pampublikong diskurso. Dahil sa mabilis na pagkalat ng impormasyon sa internet, inihayag ng Korte na ito ay “shifting to a more egalitarian approach in evaluating the limitations on free speech” sa parehong pisikal at digital na espasyo.
Nagbabala rin ang desisyon na ang pagparusa sa mga hindi sumasang-ayon sa desisyon ng Korte ay magiging “an undue stifling of the ordinary exercise of free expression.” Binigyang-diin na sa mga usaping pambansa tulad ng impeachment, ang pampublikong talakayan ay dapat manatiling malaya at walang kinatatakutang parusa.
Sa kabila ng pagiging paksa ng pambabatikos ni Sotto, ipinamalas ni Justice Leonen at ng Mataas na Hukuman ang pinakamataas na antas ng pag-unawa at statesmanship nang ipaalalang ang kapangyarihan sa contempt ay hindi ginawa upang ipang-ganti sa mga kritiko, dahil ang pagkadismaya sa isang adverse ruling ay natural na reaksyon lamang ng tao.
“The Court regards Senator Tito Sotto with the greatest respect and understands his frustration with some of our Decisions, or even with one member of the Court,” pahayag sa desisyon. “Courts must be receptive to all forms of criticisms.”
Sa pambihirang panawagan para sa mutual respect sa pagitan ng mga sangay ng pamahalaan, nagtapos ang panulat ni Justice Leonen sa pagsasabing “Democracy is founded on respect. With this decision, we double down not only on freedom of expression but on full respect for the respondent.”