Advertisers
HALOS P62 bilyong action plan ang nilatag ng Department of Agriculture (DA) upang mabawasan ang posibleng epekto ng El Niño sa produksyon ng pagkain at kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.
Gayunman, P371 milyong halaga ng mga programa ang wala pang nakalaang pondo, kabilang ang cloud seeding operations at mga hakbang laban sa peste sa tubo.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na suriin ang posibilidad na mag-angkat ng mga binhi ng palay mula India na mas matibay sa tagtuyot.
Pinatututukan din ng pangulo ang pagbabantay sa presyo ng mga produktong agrikultural at pangisdaan upang maiwasan ang manipulasyon at pagsasamantala.
Inatasan din ang DA na tukuyin ang mga magsasaka, mangingisda at komunidad na dapat unahing mabigyan ng tulong.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahalaga ang maagang paghahanda upang maprotektahan ang ani, kabuhayan at suplay ng pagkain sa bansa.