Advertisers

Advertisers

Cayetano nanawagan ng dayalogo sa LLDA board, malawakang konsultasyon sa pagpaplano sa Laguna Lake

0 63

Advertisers

Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Lunes ng malinaw at mas inklusibong proseso sa pagresolba ng mga isyu sa mga development project sa paligid ng Laguna Lake.

Sa pagtalakay ng Senado sa panukalang 2027 budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), hinimok ni Cayetano ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) na siguraduhing kalahok sa mga diskusyon ang mga apektadong lokal na pamahalaan at mayroong konkretong daan sa pagresolba sa mga nakabinbin na panukala.

Partikular na kinuwestyon ni Cayetano kung kinonsulta ba ng LLDA ang mga lungsod ng Taguig at Muntinlupa sa pagbuo ng master plan para sa lawa, dahil may malalawak din aniyang lakeshore area ang dalawang lungsod na posibleng maapektuhan ng nasabing plano.



“How can you have a master plan when the biggest stakeholders are also not consulted?” tanong ni Cayetano matapos sabihin ng LLDA na nagsagawa ito ng konsultasyon sa pamamagitan ng mga regional development body, ngunit hindi kinumpirma kung nakonsulta rin ang mga apektadong lokal na pamahalaan ng Metro Manila.

Hiniling din ng senador sa LLDA na linawin ang mga regulasyon nito sa malalaking infrastructure project sa paligid ng lawa, partikular ang Laguna Lake Road Network (LLRN).



Kabilang dito ang tanong kung dapat bang saklawin ng mga patakaran ng LLDA sa reclamation ang mga bahagi ng proyekto na may landfilling.

Iginiit ni Cayetano ang kahalagahan ng malinaw na responsibilidad ng bawat ahensya at pantay-pantay na pagpapatupad ng mga environmental requirement upang hindi maantala ang pagresolba sa mga usapin dahil sa kalituhan sa mga permit at hurisdiksyon.



Isinulong din ng senador ang muling pagbubukas ng dayalogo sa pagitan ng LLDA at ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig kaugnay ng panukalang memorandum of agreement (MOA).

Matapos malaman na hindi pa naihaharap sa LLDA board ang panukala, itinanong ni Cayetano kung maaari itong direktang isumite ng Taguig para sa pagsusuri ng board.

Ayon sa DENR, maaaring ipadala ang dokumento sa LLDA para sa komento at magpatawag ng special board meeting upang talakayin ito.

“We’re here to look for a way forward,” ani Cayetano.

Binigyang diin ng senador na dapat mapangalagaan ang Laguna Lake kasabay ng pagtiyak na ang mga desisyon sa mga development project ay nakabatay sa malinaw na regulasyon, maayos na koordinasyon, at sapat na konsultasyon sa mga apektadong komunidad at lokal na pamahalaan.

Giit pa ni Cayetano, dapat maging patas ang proseso at manatiling pangunahing konsiderasyon ang kapakanan ng lawa, anuman ang lokal na pamahalaan o proyektong sangkot.

“No special favors. Kung ano ang best for the lake,” diin niya.