Advertisers

NANAWAGAN ang grupo ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) kay Acting PNP Region 4A Dir. BGen. Dominic Baccay na kasuhan ang karamihan sa mga lokal at barangay official na “namamantikaan ang nguso” ng salaping mula sa ilegal na aktibidad.
Ayon sa grupong nakabase sa Timog Katagalugan, nananatiling “hot bed” ng mga ilegalista tulad ng mga vice maintainer at iba pang grupong kriminal ang lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon dahilan upang patuloy at hindi nasusugpo ang operasyon ng mga sugalan na front ng bentahan ng droga sa mga siyudad at bayan sa naturang rehiyon.
Bukod sa ilang matataas na opisyales ng PNP, ay hindi makakapag-operate ang mga naturang illegal activity kung walang basbas ang ilang alkalde at mga barangay leader sa kanilang hurisdiksyon, ayon din sa MKKB.
Tinukoy ng MKKB ang Tanauan City, Sto. Tomas City, Lipa City, Calaca City, mga bayan ng Nasugbu, Tuy, Lemery, Padre Garcia, Rosario, Mataas na Kahoy, Agoncillo, Sta. Teresita, San Luis, Alitagtag, Agoncillo, San Nicolas at San Juan na sentro ng operasyon ng illegal vices sa Batangas tulad ng peryahan na pulos sugalan (pergalan) na may shabuhan, sakla, STL bookies o jueteng at iba pang uri ng kriminalidad.
Sa kahabaan ng A. Mabini, Avenue, Brgy. 2, sa siyudad ni Tanauan City Mayor Sonny Collantes ay naghambalang ang color games, drop ball at iba pang madadayang pasugal ng isang alyas Baby Tomboy.
Ang mga pasugalang ito ay gamit na front sa bentahan ng shabu ng mga tauhan ni alyas Baby Tomboy na sina alyas Onad, Rommel at Pajon. Walang aksyon laban dito sina Tanauan City Police Chief Lt Col. Caesar Ian Binucal. Maraming mga sakla den ang inooperate ng isang alyas Lucido sa naturang siyudad.
Hinala ng MKKB ay posibleng may kinalaman ang grupo nina alyas Baby Tomboy at Lucido sa pagpaslang sa isang barangay chairman kamakailan.
Mayroon din mga pasugalan na kunwari ay peryahan si alyas Baby Tomboy sa Brgy. 3, Nasugbu ngunit mistulang bulag, pipi at bingi naman laban dito sina Nasugbu Mayor Jose Antonio Barcelon at Police Chief Lt Col. Angelito Guardian.
Sa Sto. Tomas City ay napatay naman ang Brgy. Chairman ng Sta. Anastacia may ilang araw pa lamang ang nakararaan. Hinihinalang ang may pakana ng krimen ay isang pulis at ang kasabwat nitong gambling lord.
Ang naturang barangay leader ay tutol sa operasyon ng mga pasugalan sa Sta. Anastacia Exit sa hinalang pugad din ito ng isang alyas Makmak sa pagbebenta ng droga. May mga pasakla din sa ibat ibang barangay sa nasabing siyudad ang isang alyas Adie at alyas Magsino, ngunit walang hakbang laban dito sina Sto. Tomas City Mayor Art Marasigan at Police Chief Lt. Col. Marlon Cabataña. Sina alyas Adie at alyas Magsino din ang nagpapasakla sa bayan ng Mataas na Kahoy.
May pinatatakbo ding 20 sakla den sina alyas Oying, alyas Glen Figaro at policewoman alyas Sgt. Michelle sa Lipa City ngunit tila “tengang kawali” laban dito sina Mayor Eric Africa at City Police Chief Lt Col Aleli Buaquen.
May pergalan/shabuhan din si alyas Mundo sa Calaca City at sa bayan ng Ibaan; sakla ni alyas Digo sa Tuy; sakla ni alyas Danny at alyas Mayor sa Lemery; sakla nina alyas Tisoy, alyas Nonit at Jeff sa Padre Garcia; sakla ni alyas Morpe sa Rosario; sakla ni alyas Kap Mike sa San Luis at Alitagtag; at saklaan ni alyas Ronnel sa San Juan, pawang sa Batangas. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144