Advertisers

Advertisers

Isko Moreno, hinikayat ang American investors: Walang tax hike, mas pinasimpleng proseso, tiyak na business climate

0 49

Advertisers

Hinikayat ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang mga American at dayuhang mamumuhunan na mamuhunan sa Lungsod ng Maynila, kasabay ng pangakong hindi magtataas ng buwis ang lungsod sa mga negosyo.

Ginawa ng alkalde ang pahayag sa courtesy call ng delegasyon ng American Chamber of Commerce of the Philippines (AmCham Philippines) sa Manila City Hall nitong Huwebes, Nobyembre 5, kung saan inilatag niya ang pangako ng kanyang administrasyon na panatilihing mababa ang gastos sa pagnenegosyo, pasimplehin ang mga regulasyon, at panatilihin ang maasahan at tiyak na business environment.

Sinabi ni Domagoso na nakasalalay sa tatlong pangako ang pamamahala ng kanyang administrasyon sa negosyo: pagtuon sa Minimum Basic Needs (MBN) platform, paglikha ng mas maraming oportunidad sa negosyo, at pagpapanatili ng mga patakarang tiyak at maasahan.



“Kapag nagbayad ka ng isang piso, makakakuha ka ng resibo na isang piso,” ani Domagoso, bilang pagbibigay-diin sa transparency at accountability sa mga transaksyon ng gobyerno.

Binanggit din ng alkalde ang mga konkretong pagpapabuti sa ease of doing business sa Maynila, kabilang ang pagbawas ng zoning requirements mula 22 tungo sa 7.



“Palagi kayong welcome na magnegosyo sa Maynila. Mura ang magnegosyo sa Maynila. Hindi kami magtataas ng buwis,” ani Domagoso.

Ayon kay AmCham Philippines Executive Director Ebb Hinchliffe, na nanguna sa delegasyon, higit pa sa inaasahan ang naging pag-uusap at buo na ang kanyang kumpiyansa na irekomenda ang Maynila sa mga American at dayuhang mamumuhunan.



“Lagpas pa ito sa inaasahan namin ngayong araw. Karangalan at pribilehiyo na makaharap ang alkalde, at ang hinahanap namin ay malaman kung bakit dapat pumunta at mamuhunan ang mga American investor o iba pang dayuhang mamumuhunan sa Lungsod ng Maynila,” ani Hinchliffe.

“Mission accomplished. Malinaw niyang inilatag ang mga dahilan kung bakit bukas ang Maynila sa negosyo, at ngayon ay makakauwi ako at buong kumpiyansang mairekomenda ang lungsod,” dagdag pa niya.

Ang AmCham Philippines ay may mahigit 900 miyembro sa buong bansa, na kumakatawan sa malawak na hanay ng mga American at multinational na kumpanya na nag-ooperate sa merkado ng Pilipinas. (Jocelyn Domenden)