Advertisers

Advertisers

ISKO SA FOREIGN INVESTORS: MAYNILA, WALANG TAX HIKE!

0 24

Advertisers

Nangako si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na hindi magtataas ng buwis sa mga negosyo at patuloy na pasisimplehin ang mga regulasyon upang mahikayat ang mas maraming Amerikanong mamumuhunan na magnegosyo sa lungsod.

Inihayag ito ni Domagoso sa pakikipagpulong sa delegasyon ng American Chamber of Commerce of the Philippines (AmCham Philippines) sa Manila City Hall nitong Huwebes, Nobyembre 5.

Sa nasabing pulong, binigyang-diin ng alkalde ang hangarin ng kanyang administrasyon na mapanatiling mababa ang gastusin sa pagnenegosyo, mapabilis ang mga proseso sa pagkuha ng permits at licenses, at matiyak ang malinaw at pare-parehong pagpapatupad ng mga patakaran.



Ayon kay Domagoso, nakasentro ang pamamahala ng lungsod sa tatlong pangunahing direksyon: pagtugon sa Minimum Basic Needs (MBN) ng mga residente, pagbubukas ng mas maraming oportunidad sa negosyo, at pagpapanatili ng tiyak at predictable na mga regulasyon.

Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng transparency sa mga transaksyon ng pamahalaang lungsod.



“When you pay one peso, you get one peso receipt,” pahayag ni Domagoso, bilang pagtitiyak na bawat halagang ibinabayad sa pamahalaan ay may katumbas na opisyal na resibo.

Ipinagmalaki rin niya ang mga hakbang na ginawa upang mapagaan ang proseso ng pagnenegosyo sa Maynila, kabilang ang pagbabawas sa zoning requirements mula 22 patungong pito.



“You are always welcome to do business in Manila. It is inexpensive to do business in Manila. We will not raise taxes,” dagdag ng alkalde.

Samantala, nagpahayag naman ng kasiyahan si AmCham Philippines Executive Director Ebb Hinchliffe sa naging pagpupulong, na aniya’y higit pa sa kanilang inaasahan.

Ayon kay Hinchliffe, malinaw na naipaliwanag ng alkalde ang mga dahilan kung bakit maaaring maging destinasyon ng mga Amerikanong mamumuhunan at iba pang dayuhang negosyante ang Maynila.

Aniya, kumpiyansa na siyang mairerekomenda ang lungsod sa mga potensyal na investors matapos marinig ang mga programa at patakaran ng lokal na pamahalaan.

May mahigit 900 miyembro ang AmCham Philippines sa buong bansa, na kinabibilangan ng iba’t ibang kumpanyang Amerikano at multinational corporations na may operasyon sa merkado ng Pilipinas.

Sa pagtutok sa mas simpleng proseso, malinaw na regulasyon at walang dagdag-buwis sa negosyo, layunin ng pamahalaang lungsod na makahikayat ng mas maraming pamumuhunan na maaaring magbukas ng oportunidad sa trabaho at magpalawak sa aktibidad pang-ekonomiya sa Maynila.(BP)