Advertisers
UMABOT umano sa higit P22 bilyon ang ginastos ng Pilipinas para sa ‘hosting’ nito sa ‘49th ASEAN Summit’ ngayong taon na nagtapos ngayong linggong ito at ang ‘highlight’ ay tumagal lang ng dalawang araw (Nob. 16 hanggang Nob. 18), sa pagdating ni US President Donald Trump nitong Martes, Nob. 17.
Hindi naman binigo ng gobyerno ang mga Pilipino sa pagpapatunay na “tayo” pa rin ang “pinaka” sa mga alipores ni Angkol Sam sa Asya sa ipinakitang magarbong pagsalubong sa kanya.
At hindi rin naman binigo ni Trump ang mga utusan ng Kano sa hanay ng ating mga lider sa ibinuhos niyang papuri sa ating gobyerno. Kung sinsero at ‘from the bottom of my heart’ ang mga papuri ni Trump, ‘yun ang hindi natin alam.
Kung “kukuwentahin,” hindi umabot ng 24-oras si Trump sa ‘Pinas. May mas mahalaga kasi siyang pulong na kailangan niyang puntahan—ang ‘APEC Summit’ sa China na nagsimula naman kahapon, Nobyembre 18.
Sa mga beteranong “biyahero,” isang simpleng ‘layover’ ang naging pagdaan ni Trump sa ‘Pinas. Kumbaga, ‘stopover’ (layover) sa isang lugar para lang “magpalipas ng oras” habang naghihintay ng susunod na “biyahe” patungo sa kanyang ‘final destination’ ang mainland China.
Wala itong ipinag-iba sa mga Pinoy sa US na pauwi ng ‘Pinas at walang makuhang ‘direct flight’ kaya kailangan ng ‘layover’ sa Japan, Korea o Taiwan bago mag-landing sa NAIA.
Naranasan din natin ito nang magpunta tayo sa Chile kung saan kailangan ang ‘layover’ nang halos 20 oras sa Australia bago bumalik ng Maynila.
Alam din ito—layover– ng iba pang mga lider na dumating para sa ASEAN Summit katulad ni President Ignacio Lula Da Silva ng Brazil at PM Mark Carney ng Canada.
Ang dalawang lider ay miyembro rin ng APEC kaya “pabor” sa kanila na “mag-stopover” muna sa ‘Pinas bago magbiyahe sa totoong pakay nila, ang APEC Summit sa China.
Hindi natin “iniismol” ang naging sakripisyo ng mga taong-gobyerno para matiyak na hindi tayo mapapahiya sa ASEAN Summit. Salamat sa inyong lahat.
Pero ‘yung “palabasin” na ‘State Visit’ ang pagdating ni Trump kahit ‘layover’ lang naman, ginagawa na naman tayong “bopols” ng ilan sa gobyerno. At makatwiran ba ang gastos na P22 bilyon?