Advertisers

Advertisers

Mga testigo nag-atrasan! P817-M YAMAN NI SARA WALANG MAISAGOT ANG DEPENSA

0 37

Advertisers

WALA paring naihaharap na testigo ang kampo ni Vice President Sara Duterte na direktang makapagpapasinungaling sa alegasyong P817.87 milyong hindi maipaliwanag na yaman na natukoy sa impeachment trial nito, ayon sa House prosecution nitong Miyerkules.

Ayon kay Manila Representative Joel Chua, nabigo ang mga unang testigong iniharap ng depensa na sagutin ang pangunahing isyu hinggil sa mga kuwestiyonableng transaksiyong pinansyal at yaman ng Bise Presidente.

Sinabi ni Chua na kahit ang susunod na apat na testigong inaasahang ihaharap ng depensa ay tila hindi rin makasasagot sa mga naturang alegasyon.



“Sa huli, naghihintay parin ang prosekusyon at ang taumbayan kung paano nila ipaliliwanag ang daan-daang milyong pisong hindi idineklara ng ating Bise Presidente at ng kanyang asawa sa kanilang SALN,” ani Chua sa isang press briefing.

Tinukoy niya ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte at ang mga pinansiyal na interes ng asawa nitong si abogado Manases “Mans” Carpio.



Matatandaang iniharap ng prosekusyon ang forensic financial expert na si Alexander Cabrera, na tumukoy sa hindi bababa sa P817.87 milyong umano’y hindi idineklarang ari-arian at hindi maipaliwanag na yaman ng mag-asawang Duterte-Carpio mula 2022 hanggang 2025.

Kabilang sa mga kuwestiyonableng natuklasan ang mga balanse sa salapi, ari-arian, kita at interes sa mga korporasyon.



Giit ni Chua, wala pang naihaharap ang depensa na testigong direktang sumasalungat sa mga natuklasan ng kanilang eksperto.

Kinuwestiyon din ni House impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers kung maipapaliwanag ng mga susunod na testigo ng depensa ang mga pagkakaiba sa mga deklarasyon at transaksiyong pinansyal.

“Marami pang isyung hindi nasasagot,” ani Barbers.

Partikular niyang tinukoy ang mga katanungan hinggil sa Cale88 Foods Corp., mga transaksiyong pinansyal at umano’y hindi kumpletong deklarasyon sa mga SALN ni Duterte.

Binanggit din ni Barbers ang posibilidad na umabot sa P1.5 bilyon ang kabuuang kuwestiyonableng transaksiyon at ari-arian, bagama’t P817.87 milyon ang minimum na halagang natukoy ng forensic expert ng prosekusyon.

“Wala paring testigong sumasagot sa malaking katanungang ito tungkol sa P817 milyong maaaring umabot pa sa P1.5 bilyon,” aniya.

Inaasahang maghahain pa ng apat na testigo ang depensa sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate impeachment court sa Huwebes at Biyernes.

Nahaharap si Duterte sa Article II ng impeachment complaint na tumatalakay sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.