Advertisers

Advertisers

KAPAG TIWALA NA ANG NAWAWALA SA GOBYERNO

0 17

Advertisers

Minsan, kahit maganda ang layunin ng isang panukala, hindi na ito nabibigyan ng pagkakataong mapag-usapan nang maayos dahil mas nauuna ang pagdududa ng publiko kaysa ang pag-unawa sa mismong layunin nito.

Ganito ang naging reaksiyon ng ilan nang ilutang ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang posibilidad na magkaroon ng mekanismo kung saan maaaring boluntaryong makapag-ambag ang mga Pilipino upang makatulong sa pagbabawas ng national debt o utang ng bansa.

Sa halip na agad pag-usapan kung paano makatutulong ang ganitong hakbang, mas nangibabaw ang mga tanong at pangamba: Saan mapupunta ang pera? Paano matitiyak na hindi ito masasayang? At higit sa lahat, paano masisiguro na hindi ito mapupunta sa maling kamay?



Hindi naman mahirap unawain ang ganitong reaksiyon. Sa araw-araw na pakikipagbuno ng mga Pilipino sa mataas na presyo ng bilihin, bayarin at iba pang gastusin, hindi biro ang bawat pisong kanilang kinikita. Nagbabayad na rin sila ng buwis na inaasahan nilang ginagamit nang tama para sa mga serbisyo, programa at proyektong pakikinabangan ng mamamayan.

Kaya bago pa man humingi ng karagdagang tulong sa publiko, kailangang maipakita muna ng pamahalaan na responsable ito sa paggamit ng perang ipinagkakatiwala rito.



Pero may mas malalim na usapin sa likod ng ganitong mga reaksiyon. Kapag halos lahat ng bagong ideya o panukala ay agad sinasalubong ng hinala at pangamba sa korapsyon, malinaw na hindi na lamang pera ang problema. Mas malaking hamon ang pagkawala ng tiwala ng mamamayan sa kakayahan ng gobyerno na pangalagaan ang kanilang interes.

Ito rin ang nais bigyang-diin ni Cayetano. Ang kanyang panukala ay hindi nangangahulugang sapilitang pagbabayad ng utang ng bansa ng bawat Pilipino. Hindi ito dagdag na obligasyon sa mga pamilyang hirap na hirap nang pagkasyahin ang kanilang kinikita. Sa halip, isa itong boluntaryong paraan para sa mga may kakayahan at kusang-loob na nagnanais makatulong sa bayan.



Gayunman, kinikilala rin na hindi sapat ang simpleng panawagan para sa donasyon o ambag. Hindi maaaring basta na lamang humingi ng pera sa taumbayan nang walang malinaw, maayos at mapagkakatiwalaang sistema.

Kailangang may matibay na garantiya na tama ang paggamit ng bawat pisong malilikom, may malinaw na mekanismo ng transparency at may sapat na pagbabantay sa pangungutang ng pamahalaan. Kaya mahalaga ring pag-aralan ang mga posibleng hakbang upang higit pang mapalakas ang oversight at pananagutan sa mga utang ng bansa.

Sa totoo lang, mas malaking hamon para sa gobyerno ang patunayan na kaya nitong pangalagaan ang pera ng bayan. Hindi sapat ang paulit-ulit na pangako ng transparency. Kailangang makita ito sa aktuwal na paggastos ng pondo, maayos na pagpapatupad ng mga proyekto at, higit sa lahat, pagpapapanagot sa mga opisyal na umaabuso sa kanilang kapangyarihan at tungkulin.

Mahalaga ring matutuhang paghiwalayin ang pagkadismaya sa mga namumuno at ang pagmamalasakit sa sariling bayan. Maaaring punahin ang gobyerno, kuwestiyunin ang mga desisyon nito at igiit ang pananagutan ng mga opisyal nang hindi tuluyang isinasantabi ang kagustuhang makatulong sa Pilipinas.

Hindi dapat maging hadlang ang pagkadismaya sa pamahalaan upang tuluyang mawalan ng malasakit ang mamamayan sa bansa. Ngunit hindi rin dapat gamitin ang pagmamahal sa bayan upang balewalain ang pagkukulang at pananagutan ng mga namumuno.

Sa huli, simple lamang ang punto: Ang pagtulong sa bayan ay hindi dapat nakasalalay lamang sa kakayahan ng mamamayan na magbigay, kundi sa kakayahan din ng gobyernong pangalagaan ang anumang ipinagkakatiwala sa kanya.

Dahil ang isang bansang humihingi ng tulong sa mamamayan ay dapat ding magkaroon ng gobyernong karapat-dapat pagkatiwalaan.