Advertisers

Advertisers

RICE LIBERALIZATION POLICY, PINAREREBISA DAHIL SA EPEKTO NITO SA KABUHAYAN NG MGA MAGSASAKA – CONG PANALIGAN

0 12

Advertisers

Nanawagan si Oriental Mindoro First District Representative Arnan C. Panaligan na rebisahin ang umiiral na Rice Liberalization Policy dahil sa naging epekto nito sa kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka.

Sa kanyang privilege speech sa plenary session ng House of Representatives noong Nobyembre 23, 2026, iginiit ni Panaligan ang pangangailangan ng mas malakas na interbensyon ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka at matiyak na abot-kaya ang presyo ng bigas para sa mga mamimili.

Ayon sa kongresista, mula sa dating P22 hanggang P23 kada kilo, bumagsak sa P11 hanggang P13 kada kilo ang farm-gate price ng palay matapos ipatupad ang rice liberalization. Sa ilang lugar, umabot pa umano sa P8 kada kilo ang presyo nito noong nakaraang taon. Samantala, nananatili namang nasa P50 hanggang P55 kada kilo ang presyo ng bigas sa merkado.



Kabilang sa mga panukalang binigyang-diin ni Panaligan ang pagpapalawak ng pagbili ng National Food Authority (NFA) ng palay mula sa lokal na magsasaka, regulasyon sa pag-aangkat ng bigas, pagpapatatag ng farm-gate price at dagdag na suporta para sa mga pangangailangan sa agrikultura.

Hiniling din niya ang mas malaking pamumuhunan sa binhi, pataba, makinarya, irigasyon at post-harvest facilities upang mapalakas ang lokal na produksyon at seguridad sa pagkain.



Binigyang-diin ni Panaligan na kailangang balansehin ng pamahalaan ang kapakanan ng mga magsasaka at kakayahan ng mga mamimili na makabili ng abot-kayang bigas.

Binanggit din niya na bumaba sa 73.2% ang rice self-sufficiency ng bansa mula sa dating 93%, habang umabot sa record-high na 4.8 milyong metric tons ang inangkat na bigas noong 2025.



Samantala bilang tugon, inilahad din ni Panaligan ang mga panukalang solusyon na nagmula rin sa mga hinaing ng ‘Tinig ng Magsasaka’ sa Oriental Mindoro.

Kabilang dito ang pagtatakda ng makatarungang presyo ng palay na sapat upang mabawi ng mga magsasaka ang kanilang puhunan at magkaroon ng disenteng kita, pagpapalawak ng pagbili ng National Food Authority (NFA) ng lokal na palay, at pagpapalakas ng direktang ugnayan ng mga magsasaka sa mga kooperatiba at iba pang mamimili upang mapataas ang kanilang bargaining

Iminungkahi rin ni Panaligan ang mas maayos na pamamahala sa rice importation, partikular ang paggamit sa kapangyarihang nakapaloob sa Republic Act No. 12078 upang pansamantalang suspendihin ang karagdagang importasyon kapag nagdudulot ito ng matinding pagbagsak sa presyo ng lokal na palay.

Hiniling din niyang maibalik ang kapangyarihan ng NFA na mag-isyu ng lisensya, mag-inspeksyon at magmonitor ng mga bodega upang maiwasan ang smuggling, misdeclaration at iba pang hindi patas na kalakalan. Gayundin ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Department of Agriculture at NFA na tumulong sa pagpapatatag ng presyo ng pagkain para sa mahihirap na pamilya.

Ayon kay Panaligan, hindi sapat ang simpleng pag-amyenda sa ilang probisyon ng batas kundi kinakailangan ang mas malawak na pagbabago sa direksyon ng polisiya ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura.

Binigyang-diin niyang hindi dapat lubusang isuko ng Estado sa malayang pamilihan ang kontrol sa isang estratehikong sektor tulad ng palay at bigas.

Layunin ng kanyang panawagan na maprotektahan ang kita ng mga magsasaka, mapalakas ang lokal na produksyon, matiyak ang sapat na suplay ng bigas at maibsan ang pasanin ng mga konsyumer sa patuloy na pagtaas na presyo ng mga pangunahing pagkain ng mga Pinoy.

***

Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625991 o di kaya mag email balyador69@gmail.com