Advertisers
SANG-AYON ang 17 mayor na miyembro ng Metro Manila Council (MMC) na palawigin pa ang General Community Quarantine (GCQ) simula bukas, Hunyo 1.
Kinumpirma ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, chairman ng MMC na kanilang irerekomenda sa Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan ang pagbubukas pa ng mga karagdagang negosyo.
“Ito po yung mga MICE, ito yung mga meeting, incentives conference at saka mga exhibits pero limited capacity po yan, hindi po 100 percent,” sabi ng opisyal.
Giit pa ni Olivarez na gusto rin nila na balik-operasyon na rin ang mga tinatawag na ‘outdoor amusement attractions’ bagama’t mananatili ang unified curfew na alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling-araw.
Sinabi pa ni Olivarez na hindi maaring magpakampante bagama’t bumubuti ang bilang ng kaso ng COVID 19 sa Metro Manila, maging ang sitwasyon sa mga ospital.
Inaasahang ngayong gabi ay iaanunsiyo ng Malakanyang ang bagong quarantine classification ng Metro Manila at iba pang lugar sa bansa. (Josephine Patricio)