Advertisers
SINABI ng Department of Health (DOH) na nakapagtala pa sila ng 97 bagong Delta variant cases ng COVID-19 sa Pilipinas, sanhi upang umabot na ang kabuuang bilang nito sa ngayon sa 216.
Sa inilabas na ulat ng DOH, University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC), at ng University of the Philippines – National Institutes of Health (UP-NIH) nitong Huwebes, sinabi nitong bukod sa 97 bagong Delta (B.1.617.2) variant cases, nakapagtala rin sila ng 83 Alpha (B.1.1.7) variant cases, 127 Beta (B.1.351) variant cases, at 22 pang P.3 variant cases sa isinagawa nilang pinakahuling batch ng whole genome sequencing results.
Sa 97 bagong Delta variant, nabatid na 88 ang local cases, anim ang Returning Overseas Filipinos (ROF), at tatlo ang biniberipika pa kung local o ROF cases.
Sa anim na ROFs, dalawa ang seafarers na mula sa MT Clyde and Barge Claudia, na kasalukuyang nakadaong sa Albay, habang apat ang crew members ng MV Vega na dumating mula sa Indonesia.
Ayon sa DOH, 94 naman sa mga ito ang nakarekober na mula sa sakit habang tatlo ang sinawimpalad na bawian ng buhay.
Nakikipag-ugnayan na umano ang DOH sa mga kinauukulang local government units (LGUs) upang matukoy ang iba pang impormasyon, gaya ng exposure at vaccination status ng mga pasyente.
Kaugnay nito, sinabi ng DOH na kasunod nang pagkakadiskubre ng mga bagong kaso ng variants of concern, mahalaga para sa mga LGUs na kaagad na gumawa ng mga pamamaraan upang mapigilan ang higit pang pagkalat ng sakit.
Muli ring inihayag ng DOH na ang whole genome sequencing ay isinasagawang upang maging gabay sa overall response strategies ng pamahalaan at matukoy kung anong variants ng virus ang nagiging sanhi nang pagtaas ng mga kaso, kaya’t hindi anila ito dapat na gamitin bilang point-of-care strategies. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)