Advertisers
SINUSUGAN ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 2422 na lilikha ng Vaccine and Health Passport Program para mapalakas ang pagsisikap ng pamahalaan na na ma-track ang mga indibiduwal na bakunado na ng pangontra sa COVID-19.
Sa kanyang speech sa sesyon ng Senado, sinabi ni Go na napakahalaga ng vaccine passports para matiyak ang ligtas na kilos na bawat indibiduwal, partikular ng overseas Filipino workers, na nasa loob at labas ng bansa, nang maiwasan ang panganib ng bagong impeksyon.
“Importante ito para magkaroon tayo ng uniform proof of vaccination. Mahalaga rin ito sa mga OFWs na kailangang magpakita ng proof of vaccination sa kanilang mga destinasyon. Kailangan lang siguraduhin na acceptable ito na pruweba kung saan man sila magpunta,” sabi ni Go.
“In fact, sa mga seafarers nga ay dapat bigyan sila ng priority ‘yung mga one dose na bakuna (para) hindi na sila pabalik-balik at maghintay ng mahabang panahon bago sila makapagtrabaho muli,” idinagdag niya.
Bilang chairman ng Senate Committee on Health, nauna nang inapela ni Go sa Inter-Agency Task Force ikonsidera ang requirements na kakailanganin ng Filipino workers para muling makapangibang-bansa, kagaya ng pagtuturok ng bakuna na tanggap sa kanilang destinasyon, gayundin ng mga dokumento na magpapatunay na sila ay bakunado na.
Hiniling din ng senador sa concerned authorities na lumikha ng insentibo para sa fully vaccinated Filipinos nang sa gayo’y mapalakas ang tiwala sa bakuna na makatutulong para maabot ng bansa population protection at herd immunity sa lalong madaling panahon.
“Nakatutuwa naman ngayon, sa kakaikot ko mahigit 50% na ‘yung nagtataas ng kamay at talaga na rin pong gusto nilang magpabakuna matapos na tumaas ‘yung kaso dahil na rin sa Delta variant.”
“Dapat nating balansehin ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipino. Pag-aralan natin nang mabuti ang pagbibigay ng insentibo sa mga bakunado, tulad na lang ng mas maluwag na mga patakaran. Maaaring pwede sila kumain at pumasyal sa labas, makapagtrabaho at makagalaw nang walang masyadong restrictions para maengganyo at tumaas ang vaccine confidence at unti-unting mabuhay ulit ang ekonomiya,” paliwanag ni Go.
Ayon sa mambabatas, ang kanyang rekomendasyon ay batay sa panukala ng Metro Manila mayor na irelaks ang COVID-19 guidelines para sa mga fully vaccinated individuals.
“Kahit naman ang ating mga adviser sa business, pinag-aaralan na ‘yung vaccine bubble kung sino ‘yung mga bakunado ay mas maluwag ang restrictions sa kanila para naman bumalik na ang sigla ng ating ekonomiya,” ani Go.
Ngunit ang pagluluwag aniya ng restriksyon sa mga bakunado ay hindi dapat maging dahilan ng diskriminasyon sa unvaccinated individuals.