Advertisers
PATAY ang tatlong magkakapatid nang gumuho ang lupang kinatitirikan ng bahay sa Central Purok Ubbog, Ambiong, La Trinidad, Benguet sa kasagsagan ng bagyong Maring, nitong Lunes ng gabi.
Masuwerteng nakaligtas ang mga magulang ng magkakapatid. Ngunit, hindi ang mga bata na ang edad 2, 6 at 8 na hindi na umabot nang buhay sa ospital.
Sa ulat, naghahapunan ang pamilya Teligo nang gumuho ang lupa at matabunan ang pamilya.
Agad naman sumaklolo ang mga kapitbahay at masuwerteng nailigtas ang mga magulang ng tatlong paslit.
Mayroon ding dalawa pang namatay sa magkahiwalay na landslide sa Barangay Tuding at Ampucao Itogon, Benguet.
Isang lolo kasama ang dalawang apo naman ang missing nang matabunan ng lupa sa Dominican Mirador, Baguio City.
Tatlo pa ang naitalang sugatan sa Benguet at Baguio City.(Thony D. Arcenal)