Advertisers
UMANI pa ng apat na grupo ng masusugid na tagasuporta ang partido Aksyon Demokratiko na nagpahayag ng malaking pagtitiwala sa kakayahan, abilidad at mayamang karanasan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso upang maging mahusay na lider ng bansa sa susunod na anim na taon.
Pinangunahan ni Yorme Isko, presidente ng Aksyon Demokratiko ang paglagda sa isang Memorandum of Cooperation (MOC) sa mga lider ng Pilipinas God First Movement, Inc. (PGFMI); Isko Tayo Kabataan (ITK); Young Organizers for Unity, Truth & Hope (YOUTH) at Isang Bangka, Isang Diwa Movement (IBID) sa okasyong ginanap nitong Lunes, Okt. 22 sa bulwagan ng Universidad de Manila.
Sumaksi sa pirmahan ng MOC sina Shieda May Mohammad ng PGFMI; Fatimary Gopez ng ITK; Reynald Nival ng YOUTH at Leynette San Jose ng IBID.
Sa memorandum, pormal nang tinanggap na kasapi ng Aksyon Demokratiko ang libo-libong miyembro ng PGFMI, ITK, YOUTH at IBID.
Mainit na pinasalamatan ni Isko ang apat na grupo at madamdaming hinikayat na ipagpatuloy ang pagpaparami ng mga kasapi at ipalaganap ang “Bilis-Kilos” na adhikain ng partido.
Pinasalamatan ni Moreno ang malaking suporta sa kanyang kandidatura, katiket na kandidatong bise-presidente, Dr. Willie Ong at mga kandidatong senador na sina Carl Balita, Samira Gutoc at Jopet Sison.
Malaganap at nakakalat sa maraming lugar sa bansa ang apat na pangkat na masiglang pinalalakas ang suporta kay Yorme Isko upang matiyak ang pagwawagi sa eleksiyon sa Mayo 2022.
Sila, sabi ni Moreno, ay ang ikalawang bungkos ng kilusang makamasa ng Aksyon Demokratiko, ang una ay ang kasunduan ng pagsapi ng Alliance for Isko Movement (AIM).
Kamakailan, isang malaking grupo ng volunteer, ang Manny Pacquiao Nation o MP Nation ay nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni Yorme Isko.
Nakatatag ang MP Nation sa 78 probinsiya, 120 siyudad, 1,109 munisipalidad at mahigit sa 35,000 barangay sa buong bansa at ito ay kilala ngayon sa pangalang IM4P o Isko Moreno for President Movement.
Kaalyansa rin ang Bagong Pnoy ng IM Pilipinas na isang grupo ng boluntaryong masa na pinamunuan noon ni dating Undersecretary Tim Orbos.
Nabatid na malaki ang naging ambag ng Bagong Pnoy sa tagumpay ng kandidatura noon ni dating Presidente Noynoy Aquino.
Iba pang pangkat na nagpahayag ng suporta kay Moreno ay ang PRIMO-ISKO (President Isko Moreno – Isulong ang Serbisyo sa Katawhan nga Organisado) na nakabase sa Cebu; Kapampangans for Isko, Isko Northern Alliance (INA), Seniors para kay Isko, Isko Tayo Kabataan (ITK), at ang Cordillera People’s Liberation Army (CPLA).
Gayundin ang Pilipinas God First United Bangsamoro Isko for President (PGFUBIP) coalition, Muntinlupa Isko Supporters, Truck Drivers of the Philippines Party List, at ang Federation of Quezon City Tricycle Operators and Drivers Association.
Hayag namang nagsabi ng suporta nila sa kandidatura ni Yorme Isko ang Philippine Trade and General Workers Organization (PTGWO) na binubuo ng mahigit sa 100,000 kasapi, ang National Association of Trade Unions, All Filipino Workers Confederation, Association of Minimum Wage Earners and Advocates, at 1-Pangarap Pilipinas, at Buhay Kalinga, Pinoy Ako, Isko Tayo Movement.