Advertisers
NANAWAGAN si Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na patuloy na sundin ang health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan sa kabila ng progreso sa isinasagawang pandemic response ng gobyerno at pagbaba ng kaso ng COVID-19.
“We appeal to everyone to continue observing required health protocols, especially in public gatherings, such as family celebrations, social functions, business fora or political rallies,” sabi ni Go, siya ring chairman ng Senate Committee on Health.
Sinabi ni Go na bagamat maganda ang itinatakbo ng pagresponde ng gobyerno sa pandemyan, ang banta ng COVID-19, partikular ang bagong Omicron variant, ay nananatili.
“Huwag lang po tayong makumpiyansa kahit na bumababa na ang kaso ng COVID-19 at lumuluwag na ang mga restrictions. Ayaw nating masayang ang mga pinaghirapan natin sa nakaraang halos dalawang taon,” ani Go.
As of December 8, nasa 94.2 million COVID-19 vaccines na ang naibibigay ng gobyerno at 39.5 million Filipino na ang fully vaccinated.
Ayon sa Department of Health, ang Pilipinas ay nasa minimal risk na ng COVID-19 habang ang National Capital Region ay iklionasipikang “low-risk”.
Ang utilization rate ng COVID-19 beds at intensive care units ay bumaba na rin sa 50%.
Sa kabila ng magandang development na ito, hiniling ni Go sa mga Filipinos na patuloy na maging maingat, partikular sa pag-oorganisa ng mga pagtitipon sa holidays at political rallies sa darating na eleksyon.
“Naiintindihan natin ang tradisyong Pilipino hinggil sa pagtitipon ngayong Kapaskuhan at iginagalang naman natin ang karapatan ng ating mga mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobing pulitikal,” sabi ni Go.
“Siguraduhin lang natin na hindi nailalagay sa kapahamakan ang kaligtasan ng ating kapwa dahil una sa lahat ay ang proteksyon ng buhay ng bawat Pilipino,” iginiit niya.
Kaya naman hiniling ng senador na iprayoridad ng lahat na malampasan ang pandemya bago ang pulitika.
“Kung hindi natin malampasan ito, baka wala na tayong pulitikang pag-uusapan pa,” ayon sa mambabatas.