Advertisers
KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na nakapasok na sa bansa ang Omicron variant na unang na-detect sa South Africa.
Ayon sa DOH, ang isa ay isang lalaking returning Overseas Filipino(ROF) na dumating sa bansa mula sa Japan nitong Disyembre 1 via Philippine Airlines flight number PR 0427.
Ang kanyang sample ay kinolekta ng Philippine Genome Center (PGC) noong Disyembre 5 at ang resulta ay lumabas nitong Disyembre 7.
Nabatid na asymptomatic ang ROF.
Habang ang isa pang kaso ng Omicron variant ay isang Nigerian national na dumating sa bansa mula Nigeria noong Nobyembre 30 via Oman Air na may flight number WY 843.
Kinolekta ang kanyang sample noong Disyembre 6 at ang resulta ay lumabas noong Disyembre 7. Ito umano ay bahagi ng 48 sample na nai-squence ng PGC, kung saan 33 naman ang na-detect na may Delta variant.
Ang dalawa ay kapwa naka-isolate sa facility na pinangangasiwaan ng Bureau of Quarantine (BOQ) at kapwa asymptomatic.
Inaalam na ng DOH ang mga posibleng naging close contact ng dalawa kabilang na iyong mga nakasabay nilang pasahero sa eroplano.
Bineberipika na ng DOH ang estado ng kalusugan ng lahat ng pasaherong nakasakay sa eroplano na posibleng nahawa at asymptomatic nang dumating sa bansa.
Hinikayat ng DOH ang lahat ng mga pasahero na nakasabay ng dalawang Omicron variant carrier na makipag-ugnayan sa DOH COVID-19 Hotlines sa (02) 8942 6843 o 1555, o sa kani-kanilang Local Government Units (LGUs) para malaman ang kanilang status. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)