Advertisers
UMAABOT sa 1,700 indigenous peoples sa isang bayan sa lalawigan ng Tarlac ang inayudahan ni Senator at Senate Committee on Health and Demography chairman Christopher “Bong” Go sa dalawang araw na isinagawang aid mission.
Kasabay nito’y pinayuhan sila ng senador na matuto sa aral na ibinigay sa bansa ng patuloy na pandemya sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanilang mga kalusugan.
Ipinayo ni Go sa publiko na i-avail ang medical services na ibinibigay ng gobyerno kung kinakailangan.
Isinagawa ng grupo ni Go ang aid mission sa indigenous communities sa Sta. Ignacia, Tarlac nitong December 13 at 14 sa Padapada covered court at Baldios covered court.
Sa kanyang video message, nabahala si Go dahil maraming Filipino na napababayaan ang kanilang kalusugan sanhi ng pagkatakot na mahawahan ng COVID-19 sa mga hospitals, gayundin sa alalahanin sa malaking babayaran.
“Maraming Pilipino sa ngayon ang lumalala ang kondisyon dahil ayaw nila magpa-check up at wala silang pambayad,” ani Go.
“Kung mayroon man na walang pambayad o hindi kayang gamutin diyan, magsabi lang kayo at kami na ni Pangulong (Rodrigo Duterte) ang sasalo sa inyo. Huwag kayong mahiyang lumapit sa amin dahil trabaho namin ang makatulong sa inyo,” tiniyak ng senador.
Bukod sa mga makakain at iba pang tulong, namahagi rin ang grupo ni Go sa piling benepisyaryo ng bagong sapatos, bisikleta at computer tablets.
Sa hiwalay na distribution, nagbigay naman ang Department of Social Welfare and Development ng financial assistance.
Ipinayo ni Go sa mga residente na nangangailangan ng medical assistance na i-avail ang serbisyo ng Malasakit Center sa Tarlac Provincial Hospital sa Tarlac City.
“Kung kulang pa ang tulong na ibinigay ng mga ahensya, may pondo na iniwan diyan ang Office of the President para maging zero balance o wala na kayong babayaran sa inyong pagpapagamot. Wala itong pinipili. Basta Pilipino at poor o indigent patient ka, qualified ka sa Malasakit Center,” aniya.
Noong December 7, nagsagawa rin ng kaparehong aktibidad ang grupo ni Go sa local Aeta community sa Bamban, Tarlac.