Advertisers
INIHAYAG ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pang-apat ang COVID-19 sa listahan ng mga pangunahing dahilan ng kamatayan ng mga Pinoy mula Enero hanggang Setyembre 2021.
Sa unang siyam na buwan ng 2021, 34,361 ang naitalang namatay sa COVID, o 7.0 percent ng kabuuang bilang ng mga nasawi na Pinoy.
Bukod dito, pang-walo na dahilan ng kamatayan ang ibang mga sakit na may koneksyon sa pagkakaroon ng COVID, na 16,397 buhay ang kinitil.
Samantala, pangunahing dahilan pa rin ng kamatayan ng mga Pinoy para sa 2021 ang coronary heart disease (91,152), cerebrovascular disease (49,063), at pangatlo ang neoplasms o mga uri ng cancer (42,633).
Pang-lima naman sa listahan ang diabetes na 32,057 , sinundan ng hypertensive disease (26,600), pneumonia (22,158), COVID-related na kondisyon (16,397), iba pang sakit sa puso (16,186) at chronic lower respiratory disease (15,018).
Ayon pa sa PSA, maaaring may kaibahan ang kanilang datos sa tala ng Department of Health, lalo’t hindi kasama sa kanilang bilang ang mga Pinoy na namatay sa ibang bansa. (Josephine Patricio)