Advertisers
INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na minamadali na ni Pangulong Rodrigo Duterte ng pagrerebyu at paglagda sa panukalang 2022 General Appropriations Act para matiyak na magkakaroon ng “working budget” ang pamahalaan para sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga lugar na lubhang nasalanta ng bagyong Odette.
“Minadali na po ni Pangulong Duterte para po pagtuntong ng January 1 o January 3, mayroon na ho tayong working budget. Hindi lang ho dito para sa typhoon but para dito sa COVID response po natin dahil kailangan kaagad ng tulong ng mga kababayan natin at dapat hindi maputol ang ating COVID response,” ani Go.
Sinabi ni Go na gusto ng gobyerno na ang bawat isa at bawat Pilipino ay makabalik na sa normal na pamumuhay sa pamamagitan ng pagbubukas ng ekonomiya at makapagtrabaho na ang mga nawalan ng trabaho.
Nakatakdang aprubahan ni Duterte ang panukalang 2022 national budget bago matapos ang taon.
Samantala, sinabi ni Go na inatasan ng Pangulo ang mga law enforcement agencies, kabilang na ang Armed Forces of the Philippines para gawin ang lahat ng kinakailangan na titiyak sa peace and order sa mhga apektadong lugar.
“Inatasan na po ni Pangulo Duterte ang Armed Forces at ang pulis at ang Defense Department, ang DILG (Department of Interior and Local Government), even Coast Guard, DOTR (Department of Transportation), lahat po ng ahensya ng gobyerno na magtulung-tulong po.”
“Gusto niya ‘yung Armed Forces dahil mas mapabilis at ang pulis dahil may sistema na silang sinusunod at may mga kagamitan nga sila, ma-assess,” ayon sa mambabatas.
Nauna rito, inilabas ni Duterte ang Proclamation No. 1267 na naglalagay sa Regions IV-B, VI, VII, VIII, X, at XIII sa ilalim ng state of calamity para mapabilis ang lahat ng rescue, recovery, relief at rehabilitation efforts sa mga nasabing rehiyon.
“Mayroon pong inatasan rin si Pangulo Duterte ang DBM (Department of Budget and Management) at ang Finance manager niya na maghanap ng pondo para po doon sa pambigay ng financial assistance.”
“Pati po lahat ng ahensya ng gobyerno na may mga Quick Response Fund katulad po ng DSWD (Department of Social Welfare and Development), ng DTI (Department of Trade and Industry), magbigay kaagad ng livelihood sa mga beneficiaries doon,” ani Go.
Binigyan din ng direktiba ni Duterte ang Department of Agriculture na mamahagi ng mga binhi sa mga magsasaka at bangka sa mga mangingisa na biktima ng bagyo. Inutusan din niya ang National Housing Authority na magbigay ng P100 million halaga ng housing assistance sa mga lalawigan na lubhang nasalanta ng bagyo.
Tiniyak ni Go na ang Pangulo at ang lahat ng ahensiya ng gobyerno ay hindi tumitigil sa pagtatrabaho para maibigay ang pangangailangan ng mga Filipino.