Advertisers
KAHIT nasa alert level 2 pa lamang ang lalawigan ng Batangas ay sangkaterba na ang nag-ooperate na mga pasugalan tulad ng jueteng o Small Town Lottery (STL) bookies, peryahan-sugalan (pergalan), saklaan, burikian at pasingawan na karamihan ay sentro din ng bentahan ng droga at iba pang labag sa batas na gawain sa Lipa City, at mga bayan ng San Jose, Nasugbu at Padre Garcia, pawang nasa lalawigan ng Batangas.
Gamit na front ng pergalan operator ay ang mga permit na iniiisyu sa kanila ng mga alkalde at barangay kapitan para malayang makapagpatakbo ng nakagisnan nang perya o karnabal sa mga nasabing siyudad, bayan at barangay.
Kaya may malaking parte din ang gobernador at ang mga hepe ng kapulisan kung bakit malayang nakapag- ooperate sa buong bansa ang mga pasugalan tulad nga ng jueteng (STL) bookies, paihi, pasingaw at buriki, color games, drop balls, beto-beto, sakla at iba pang uri ng table card games.
Hindi naman talaga kumikita ang mga tradisyunal na peryahan at karnabal, kung hindi hahaluan ng mga maintainer nito ng iligal na pasugalan ang kanilang hanapbuhay. Kaya dapat ipagbawal ng ganap ang operasyon nito sa buong kapuluan.
Batay sa guidelines ng Department of Interior and Local Government (DILG) ay maaring papanagutin ang mga gobernador, mayor at barangay official na mapapatuyang maintainer, protektor, nangungunsinte at nakikinabang sa operasyon ng bawal na sugal at iba pang uri ng iligalidad sa kanilang hurisdiksyon.
Ang doktrinang ito ay siya ding naging pamantayan ng mga nakaraang PNP Chief at maging ng kasalukuyang PNP Dir. General Dionardo Carlos.
Mahigpit ang atas ni General Carlos sa kanyang mga regional, provincial at field commander na walang sinumang pulis ang tatanggap ng protection money, intelhensya, suhol o lagay mula sa mga operator ng illegal gambling.
Ani Carlos kailangang mahigpit na ipairal ang “No Take Policy” sa kanilang hanay. Ngunit tila kunyari lamang pala ang direktibang ito ng heneral?
Sa Lipa City, ipinagmamayabang ng mag-asawang jueteng (STL bookies) operator na sina alias Hadjie at Aiza sa Brgy. San Jose at pergalan maintainer na si alias Mely ng Brgy. Anilao Labac, at saklang patay operator na sina alias Ronnie at Oying na may permiso sila kay Lipa City Mayor Eric Africa at Police Chief LtCol Ronald Cayago? May bendisyon din anila sa kanila ang mga barangay chairman ng mga nasabing lugar?
Aba e kung tunay ang ipinangangalandakang ito nina Hadjie, Aiza, Mely, Ronnie alias Ronnie at Oying, ay dapat ngang kasuhan ng DILG sina Mayor Africa at mga kapitan ng Brgy San Jose Melody Endozo, Anilao Labac Loreto Hosme at iba pa.
Tiyak makakaapekto din sa kandidatura ni Mayor Africa ang paggamit ng mga naturang ilegalista sa kanyang pangalan.
Kung di nga naman nakatimbre ang operasyon ng mga iligalista kay mayor, ay bakit parang legal ang pangungubra ng mga kubrador ng jueteng ng mag-asawang alias Hadjie at alias Aiza na kilala ding notoryus na drug pusher sa Brgy. San Jose at iba pang mga lugar sa naturang lungsod?
Iniuulat namang salyahan din ng droga at tambayan ng mga drug pusher ang perya-sugalan (pergalan) ni alias Mely na ilang buwan na ring nag-ooperate sa Brgy. Anilao Labac. Nasa Brgy. Bolbok, Lodlod at Sampaguita naman ang mga pwestuhan ng sakla nina alias Ronnie at Oying.
Nagtataka naman ang inyong lingkod kung bakit itinaon pa namang nalalapit na ang May 9, 2022 election ay saka naman nagagasgas ng mga nasabing iligalista ang pangalan ni Mayor Africa.
Hindi naman makapaniwala ang inyong lingkod sa ulat ng ating source na kasosyo si San Jose Mayor Bien Patron sa operasyon ng paihi nina alias Bogs, Goto at Cholo sa Brgy. Banay-Banay sa bayan ng San Jose?
Kilalang mariwasa at may malalaking negosyo si Mayor Patron, kaya bakit naman papatulan pa nito ang pagpapa-operate ng burikian at pasingawan?
Upang di maniwala ang kanyang mga constituent na may kinalaman sa iligal na gawain si Mayor Patron ay kailangang agad nitong ipalansag sa kanyang kapulisan ang operasyon ng paihi, patulo at pasingaw ng mga operator na sina alias Bogs, Goto at Cholo na kilala din sa taguring “Pamilya Buriki” ng Bulacan.
Ngunit duda ang inyong lingkod na may kakayahan ang lady police chief ng bayan ng San Jose na masusupil nito ang operasyon ng mga economic saboteurs na sina alias Bogs, Goto at Cholo lalo pa nga at malawak na ang koneksyon ng kanilang katiwalang si alias Benjie sa tanggapan nina Mayor Patron at Batangas Governor Herminlando “Dodo” Mandanas.
Si alias Benjie nga ang pagpapatakbo ng nasabing burikian na matatagpuan sa Brgy. Banay-banay, Gamit ng sindikato ang pag-aari ng mga itong tanker at capsule truck sa pagnanakaw ng mga petroleum at liquefied petroleum gas (LPG). Sa garaheng pag-aari ng sindikato sa Brgy. Banay-banay, iniiimbak ang mga ninanakaw na produkto. Nasa hurisdiksyon nga ito ni Mayor Patron.
Bukod sa burikian sa San Jose, may mga pwesto din ng paihian at pasingawan sina alias Bogs, alias Goto at alias Cholo sa Brgy. Alangan, Limay, sa probinsya ng Bataan at Florida Blanca sa lalawigan ng Pampanga.
Samantala nakumpirma pa ng ating mga KASIKRETA na nag-ooperate din ang mga saklaan at pergalan sa mga bayan ng Padre Garcia at Nasugbu. Abangan ang karugtong…
***
Para sa komento:CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.