Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sapagkat batid kong lubos ang aking mga plano para sa inyo, mga planong hindi niyo ikapipinsala kundi mga planong magbibigay sa inyo ng pag-asa at mabuting bukas…” (Jeremias 29:11, Ang Tanging Daan Bibliya).
-ooo-
DALAWANG TAON MULA NOONG MANALASA ANG COVID SA PILIPINAS NOONG MARSO 2022, IBINABALIK NA SA NORMAL NA PAMUMUHAY NG MGA PILIPINO: Pitong daan at labing-anim na araw mula noong unang ideklara ang mga lockdowns na dulot ng pananalasa ng mabagsik na COVID 19 virus sa Pilipinas noong Marso 14, 2020, nag-utos na ang gobyernong Duterte na ibaba ang lahat ng babala ukol sa nasabing sakit sa Metro Manila at sa marami pang lugar.
Nangangahulugan ang utos na ito, na magkakabisa ngayong ika 1 ng Marso 2022 at hanggang Marso 15, 2022, ng pag-aalis ng pagbabawal sa lahat na ng uri ng mga pagkilos o gawain, para sa lahat ng tao, anuman ang kanilang kalagayan sa kalusugan, o edad sa kasalukuyan.
Ayon sa mga tagapagsalita ng Malacanang, ang kautusang ito ay ibinatay ng pamahalaan sa mga ulat ng Department of Health at IATF, o Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases tungkol sa kalagayan ng COVID sa Pilipinas ngayon.
Sinasabi ng DOH at IATF na napakababa na ng mga nahahawa ng virus araw-araw, mababa na din ang bilang ng mga pasyenteng may COVID ang pumapasok sa mga ospital at sa mga intensive care units ng mga ito, at 70% ng mga senior citizens at mga mamamayang may tinatawag na co-morbidities ay nabakunahan na ng kumpletong dosage (dalawang naunang bakuna, at dagdag na booster shot).
Kasabay ng pagbuti ng kalagayan ng bansa sa sitwasyon sa COVID 19, patuloy naman ang pagdagsa ng mga ulat ukol sa Halalan 2022 na nagsasabing nananatili si BBM, o dating Senador Ferdinand Bongbong Marcos Jr., sa komportableng pangunguna bilang siyang mananalong pangulo ng bansa.
-ooo-
MGA RALLIES NG MGA PRESIDENTIAL CANDIDATES, LALO NA SA BBM SARA UNITEAM, HINDI NAGDUDULOT NG PAGKAKAHAWA NG COVID: Sa ulat ng OCTA Research Group, isang pribadong grupo na nagsasagawa ng mga pananaliksik sa pulso ng mga botanteng Pilipino bagamat ito ay unang nakilala sa kaniyang mga kontrobersiyal na pahayag sa COVID 19, napakalaki na ng lamang ni BBM sa kandidatong sumusunod sa kaniya.
Sa survey ng OCTA na tinatawag nitong “TUGON NG MASA Q 1 SURVEY RESULTS” na inilabas noong umaga lamang ng Lunes, ika 28 ng Pebrero 2022, nakita na nakakuha si BBM ng 55% ng mga botante. Ang sumusunod sa kaniyang kandidato ay nakakuha lamang ng 15% ng mga boto, na itinuturing na ng mga dalubhasa bilang “losing proposition”.
Samantala, sa isyu ng COVID, ibababa na ng gobyerno sa Alert Level 1 ang katayuan ng Pilipinas. Ang utos na ito ng pagbababa ng alert level mula sa Alert Level 2 patungao sa Alert Level 1 ay ibinatay din ng pamahalaan sa naunang rekomendasyon ng mga alkalde o punong ehekutibo ng Metro Manila.
Ayon sa mga mayors ng National Capital Region, lumiit na ng husto ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID sa kanilang mga lugar. Lumuwag na din ang dati ay siksikang sitwasyon ng mga ospital sa kanilang mga nasasakupan.
Kampante na din ang mga mayors na sumusunod na ang kanilang mga mamamayan sa mga ipinaiiral na health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, paglalagay ng alcohol sa kanilang mga kamay pag sila ay nasa labas ng kanilang mga kabahayan, at pagtiyak na malayo na ang distansiya ng bawat isa.
Lumilitaw din na napapakinggan at tinutugon na ang mga taimtim na panalangin ng mga Pilipino tungkol sa pagpapa-alis ng virus sa bansa. Ayon sa mga mayors, panahon na nga upang subukang ibalik ang buhay ng mga Pilipino sa pre-pandemic levels.
-ooo-
BBM PATULOY NA TUMATAAS ANG LAMANG SA KANIYANG MGA KALABAN; 40% LAMANG SA PINAKAMALAPIT NA KALABAN, INIULAT NG OCTA: Ayon sa mga manggagamot at iba pang dalubhasa sa kalusugan, tila nga yata nagkaroon na ng immunity, o kakayahang lumaban, ang kalusugan ng mga Pilipino.
Ang pinakamatibay na patotoo ng pananaw na ito ay ang kawalan ng nai-uulat na mga nahahawa sa mga kababayan nating dumadalo sa mga political rallies ng mga magkakalabang grupo sa pulitika.
Kung titingnan, halimbawa, ang mga rallies ni BBM at Sara Duterte Carpio ng Uniteam, dagsa talaga sa mga taong dumadalo. Siksikan, walang social distancing, at, sa maraming pagkakataon, ni wala ng face masks na nakasuot sa mga supporters ng BBM-SARA tandem.
Pero, tila himalang walang nag-uulat na sila ay nagkasakit ng COVID 19 o ng iba pang karamdamang dulot ng mainit na panahon at dikit-dikit na pakikisalamuha sa lahat ng BBM Sara partisans.
Sa mas maliit na bilang ng mga dumadalo sa rallies ng iba pang mga presidential-vice presidential candidates, nakikita ding siksikan ang tao bagamat sa higit na maliit na bilang, wala ng social distancing, at wala na ding face masks na nakasuot sa kanila. Pero, gaya ng higit na maraming dumadalo sa BBM-Sara rallies, wala ding nagkakasakit.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.