Advertisers
MAS malaki ang tsansa ni Doc Willie Ong kung kumandidato siyang senador.
Ito ang paniniwala ng marami lalo na at milyon-milyon ang tagasubaybay ni Doc Ong sa kanyangs medical vlogs na nagbibigay ng simpleng lunas at maliwanag na paliwanag kung paano makikinabang ang mga maysakit na hindi kaya ang magpaospital at bumili ng mamahaling gamot.
Tumakbo si Doc Ong pero hindi nanalong senador noong 2019.
Aniya, magandang karanasan iyon dahil baguhan siya at walang sinamahang partido politikal.
“Ako lang mag-isa, wala akong pera, wala kong pambayad sa TV ads, more on social media lang,” sabi ni Doc Willie sa mga lokal na mamamahayag sa Gen. Mariano Alvarez (GMA), Cavite.
Tumanyag siya sa madalas na paglabas sa telebisyon tungkol sa panggagamot at doon nagsimula makilala si Doc Willie ng publiko, lalo na ng gumawa siya ng sariling medical vlog.
Nang tumakbo ng 2019, puro social media lang ang ginamit niya sa pagkampanya.
“E mahirap lang tayo, wala akong karanasan talaga sa politika, ang sa akin, gusto ko lang magserbisyo,” ani Doc Ong.
Ayon sa Facebook, mayroong mahigit sa 16 milyon ang sumusubaybay sa medical vlog ni Doc Ong, at marami sa kanila ang bumoto noong 2019.
Kung siya raw sana ay nakaikot noong 2019, baka sinuwerte siya.
“Mahirap lang tayo, walang pera, wala rin tayong political party at hindi presidential campaign noon kaya mahirap,” aniya.
May nag-alok ng perang pangkampanya pero “tinanggihan ko, kasi ayoko ng may strings-attached, mahirap na, mako-compromise kasi may kapalit iyon.”
Ayaw niya ng donasyon ngayong kasama siya sa Aksyon Demokratiko na katiket niya si Yorme Isko.
Nagpapasalamat siya kapag nakakasama siya sa mga lakad ni Yorme Isko at nakakalibre siya sa pagsakay sa sasakyan at naisasama sa mga poster, tarpaulin at sa mga leaflets, kalendaryo at iba pang anunsiyo.
“Napakalaking tulong iyon. Kaya nagpapasalamat ako kay Yorme.”
Nang sumama siya kay Isko, nabawasan ang tagasunod niya sa vlogs, sabi ni Doc Willie.
Ang daming nagalit, nawala ang 100 percent na supporter niya.
“Halos lahat nagalit, ‘yung DDS [Duterte Diehard Supporters], ‘yung BBM [Bongbong Marcos], nagalit. Pero okay lang. Respeto ko sila sa gusto nila.”
Manalo o matalo, mahalaga, ginawa niya ang lahat upang makapaglingkod sa tao.
“Sarili ko ang ino-offer ko, gusto ko matulungan ang tao, at kahit mahina ako sa survey, takbo lang ako nang takbo, kinakausap ko ang mga tao, sinasabi ang magagawa ko kung ako ang mananalo,” sabi ni Doc Ong.