Advertisers
PATULOY na dumarami ang panawagang hindi dapat matuloy ang tambalan ng Commission on Elections (Comelec) at ang banyagang-pagaari na media entity na Rappler, dahil na rin sa pangambang maaapektuhan nito ang kredibilidad ng pap itarating na halalan.
Sa lingguhang ‘virtual’ na balitaan ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC), di lamang ang Office of the Solicitor General (OSG) at National Press Club of the Philippines (NPC) ang naghayag ng kanilang agam-agam, bagkus sumama na rin ang grupo ng mga retiradong opisyal at mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), at mga dating kawani ng gobyerno, ang naghayag na hindi dapat matuloy ang isinagawang tambalan ng Comelec sa Rappler sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MoA).
Kinatawan ni dating Undersecretary Abraham Puruganan, ang grupong tinatawag ngayon na Warriors for Unity, Peaceful and Honest Elections na kinabibilangan ng 235 na dating mga opisyal ng pamahalaan at Sandatahang Lakas, ang pagbabasa ng kanilang manifesto.
“Inilalagay sa panganib ang kredibilidad at integridad ng proseso ng ating halalan, ng kasunduang ito, kasama na ang magiging desisyon ng sambayanan,” ang binasa ni Puruganan na nilalaman ng manifesto.
“Nanawagan kami sa Comelec na agad ipawalang bisa ang pinasok nitong Memorandum of Agreement,” dagdag pa ng grupo na tinukoy din na kanilang sinusuportahan ang aksiyon at pahayag ng OSG hinggil sa isyu bilang “People’s Lawyer” sa paghahain ng petisyon sa Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang pinasok na kasunduan ng Comelec sa Rappler.
“Kailangan magsama-sama tayong protektahan ang proseso ng ating halalan, upang tunay na magtagumpay ang desisyon ng sambayanan,” paggigiit pa ng grupo ni Puruganan.
Kahapon din ay inihain ng OSG ang petisyon nito sa Korte Suprema upang ipawalang bisa ang MoA.
Hindi raw dapat payagang ang Rappler bilang pag-aari ng mga banyaga na maki-alam sa darating na halalan.
“Every Filipino deserves and aspires for a free, orderly, honest, peaceful, and credible elections. However, these constitutional goals cannot be attained if the Comelec is allowed to continue its void and unconstitutional partnership with Rappler. The Rappler-COMELEC MOA must be declared null and void,” ang arguments ng OSG sa katauhan ni Solicitor General Jose Calida
Sinabi naman ni Under Secretary Lorraine Badoy, taga-pagsalita ng NTF-ELCAC na bukod sa pag-aari ng mga banyaga ang Rappler, nasa “bottom of the heap” o pinaka-mababang antas ang kredibilidad nito bilang mamamahayag base na rin sa inilabas na pag-aaral at survey ng Reuters Institute at ng University of Oxford, kasama ang ilan sa mga tabloid na diyaryo sa bansa.
Si Paul Gutierrez, naman na presidente ng NPC, isa sa pinaka-malaking organisasyon ng media sa bansa, ang nagsabi na sila mismo ay dumulog sa Comelec upang tulungang ito sa pagsasagawa ng malinis na halalan 2022 ngunit “dinedma” lamang sila nito at nakipag-kasunduan na sa Rappler.
Ito lamang daw huli ay saka sila niligawan ni James Jimenez, taga-pagsalita ng Comelec na maaari din silang gumawa ng MoA.
“Para kaming biglang sinuhulan. The question here is the credibility of Rappler,” ang sabi ni Gutierrez .
Upang malinawan ang lahat, sinabi ni Gutierrez na dapat ilabas sa publiko ng Comelec at Rappler ang nilalaman ng kanilang MoA upang maihayag mismo ng sambayanan kung papayagan nila ito.