Advertisers

Advertisers

P500 subsidiya sa mahihirap, sinusugan ni Bong Go

0 357

Advertisers

IKINATUWA ni Senator Christopher “Bong” Go ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na itaas ang buwanang subsidiya sa mahihirap na pamilya mula P200 tungo sa P500 bilang tugon sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo bunga ng digmaan ng Russia-Ukraine.

Binigyang-diin ni Go ang pangangailangan ng interbensyon ng gobyerno upang maibsan ang pasanin ng mga mahihirap sa gitna ng iba’t ibang krisis na nangyayari.

Sa kanyang pahayag, binanggit ni Go ang malaking epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at petrolyo sa mga mahihirap, na lalo pang nahihirapang magbayad para sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at gamot.



Idiin niya ang mahalagang papel ng pamahalaan sa pag-iwas sa masamang epekto sa mahihinang sektor sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tulong pinansyal.

“Ipinapakita lamang nito ang malasakit ni Pangulong Duterte para sa mga mahihirap. Kahit patapos na rin ang kanyang termino, hindi pa rin natitinag ang kanyang pagmamahal at ang kanyang political will para mabigyan ng mas komportableng buhay ang mga Pilipino sa harap ng maraming pagsubok na ating pinagdadaanan,” sabi ni Go.

Inatasan na ni Pangulong Duterte si Finance Secretary Carlos Dominguez III na maghanap ng karagdagang pondo para ma-accommodate ang tumaas na subsidiya.

Unang inaprubahan ng Pangulo ang isang taon na programa na maglalabas sana ng buwanang subsidy na P200 para sa 12 milyong mahihirap na pamilya.

Si Go, vice chair ng Senate Committee on Finance, ay hinimok ang mga kinauukulang awtoridad na i-maximize ang magagamit na pondo at tiyakin ang tamang paggamit nito.



Pinaalalahanan din niya ang mga ito na siguraduhin na ang mga kinakailangang mekanismo ay nakalatag upang mapadali ang kanilang mabilis at mahusay na pamamahagi.

“Importante na mabigyan ng solusyon ngayon ang mga hinaing ng taumbayan. Kaya dapat lang na suyurin pa lalo na ang nakalaang pondo ng bayan para mapakinabangan. Bawat piso, bawat sentimo ay mahalaga kaya huwag natin silang pabayaan,” idinagdag ni Go.

Sinabi ng senador na anumang dagdag na ayuda ay malaking tulong para makabangon ang mahihirap mula sa hirap at matulungan ang bansa na makaahon mula sa pandemya.

Sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, umapela rin si Go para sa pagbibigay ng ilang rounds ng tulong para sa “poorest of the poor” sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.