Advertisers
PANDI, Bulacan – Magsasagawa ng kilos-protesta ang ilang mga benepisyaryo ng Livelihood Assistance Grant (LAG) sa bayang ito upang kondenahin ang pamahalaang bayan pati ang umano’y usad-pagong na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ukol sa kanilang reklamo sa pagkaltas ng ayuda ng isang kooperatiba.
Ayon sa lider ng grupo na naghain ng sworn complaint nuon pang Agosto 23, 2021, kinokondena nila ang ginawang ‘estafa’ at pagtulog sa kanilang reklamo na inihain sa Task Force LAG na binubuo ng NBI at PACC.
Ang Task Force ang reresolba sana sa anomalya kaugnay sa kinaltas na P5000 hanggang P10,000 sa abot 3,500 benipisaryo ng LAG. Ang Magic 7 Cooperative at mismong LGU sa pangunguna umano ng isang businessman na kilalang madikit sa punong bayan ang tinuturong nasa likod ng scam.
Anila’y labis nilang ikinakabahala ang natanggap nilang impormasyon na umano’y may mataas na opisyal ang lumapit sa NBI at PACC upang balewalain na ang reklamong inihain ng mga complainants.
“Nakarating sa amin ang impormasyon na may lagayan na sa NBI at PACC para ‘i-whitewash’ ang aming reklamo. Lalo nila kaming kinakawawa lalo pa’t mga mahihirap lamang kami. Anong hustisya pa ang hihintayin namin? Hangga ngayon ay nagsisipagtago kami dahil sa banta sa buhay namin,” pahayag ng tagapagsalita ng grupo.
Sa nakalap nilang impormasyon, tinapalan umano ng malaking halaga ng salapi ng isang mataas na opisyal ng Pandi ang NBI upang isarado at aregluhin na ang reklamong inihain ng LAG beneficiaries.
“Ilang buwan na lamang at matatapos na ang termino ni Pangulong Duterte ano pa ang aasahan namin na mareresolba pa ang kaso kung tikom na ang mga opisyal ng NBI at PACC. Ano pa ang mangyayari samin?,” dugtong pa ng lider ng grupo.
Dinagdag pa na may impormasyon din ang grupo na wari’y nagtatago na si Pandi Municipal Social Worker & Development Officer Erwin Vicente na dapat sumagot at magbigay linaw sa anomalya dahil sa tanggapan ng DSWD nai-download ang pinamahaging ayuda na umaabot sa halos P70-M na kinaltas ng hanggang P10,000 kada benepisyaryo.