Advertisers
SINABI ng Commission on Elections (Comelec) na tuloy ang pagsira sa mahigit 300,000 na depektibong mga balota.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, kailangan namang palitan ang mga depektibong balota na may kabuuang bilang na 372,878 ballots na hindi pumasa sa isinagawang testing.
Sinabi ni Garcia na ang bilang ay 0.58 sa kabuuang bilang ng mga balotang gagamitin sa halalan na 67,442,616 official ballots.
Gagamitin ang mga ito sa local at overseas absentee voting.
Ang mga ikinokonsiderang rejected ballots ay ang mga mayroong smudge, hindi maayos ang pagkaka-cut at iba pa.
Uunahin naman daw ng Comelec ang pag-imprenta ng kapalit na balota bago sirain ang mga depektibo.
Magbibigay daw ng notice ang Comelec kung kailan at saan sisirain ang mga depektibong balota.
Samantala, inilabas naman ng Comelec ang bilang ng mga botante base sa kasarian.
Base sa Records and Statistics Division ng komisyon na sa total 65,721,230 registered voters nasa 33,644,237 ang mga babae habang 32,076,993 ang lalaki.
Kabilang naman sa pinakamaraming registered voters ay ang Region 4-A (Calabarzon) na mayroong 9,192,205 at sinundan ito ng National Capital Region na mayroong 7,301,393.
Ang pinakakaunting bilang naman ng mga registered voters ay ang Cordillera Administrative Region (CAR) na mayroon lamang 1,077,900.