Advertisers
INANUNSYO ng Commission on Elections (Coemelec) na hindi na matutuloy ang naka-takdang presidential at vice presidential town hall debates na gagawin sana ngayong Sabado at Linggo sa Sofitel Hotel sa Pasay City.
Ito ay matapos mabigo ang Impact Hub Manila na partner ng Comelec sa Pilipinas debate na magbayad ng buo sa venue.
Inilipat naman ang petsa ng debate sa April 30 at May 1.
Una rito, naglabas na ng demand letter ang Philippine Plaza Holdings Inc. (PPHI) may-ari ng Sofitel sa Impact Hub para mabayaran ang kulang nito.
Sa ilalim ng kasunduan ng PPHI at Impact Hub, ang P20.5 milyon halaga ng venue ay dapat bayaran sa apat na installments mula March 16 hanggang April 20.
Pero, ayon sa PPHI, kulang pa ang Impact Hub ng P14.095 milyon matapos tumalbog ang kanilang tseke.
Ang deadline para mabayaran ang kulang sa Sofitel ay hanggang alas-12:00 ng tanghali lang kahapon.
Una rito, iginigiit ni Ces Rondario na siya lang ang nag-iisang may-ari ng Impact Hub Manila na kilala rin sa tawag na Vote Pilipinas.
Bago ito, nagsagawa na ng tatlong Pilipinas Debate sa Sofitel.
Dalawa dito ay presidential at isa ay vice presidential debate.