Advertisers
Itutulak ng LUNAS Partylist sa Kongreso ang maayos na kita at benepisyo para sa mga ‘no-work, no-pay’ workers, kasama ang mga musikero at iba pang miyembro sa entertainment industry, kung ito ay manalo sa darating na eleksyon sa Mayo.
Ayon kay LUNAS Partylist first nominee Brian Raymund Yamsuan, kasama sa ipaglalaban nilang maipasa sa Kongreso ang pagtataas ng basic pay, pagkakaroon ng night differential pay, at maging hazard pay kung kinakailangan para sa mga musicians at artists at iba pang kasama sa “no-work, no-pay” sector.
“Ang pinakaimportante ay maipaglaban natin ang tamang kita para sa kanila. Kasi iba sila eh, iba ‘yong skillset nila. Ang mga artists at musicians, hindi puwedeng minimum wage. Kailangan ‘yong mga nagtatrabaho sa gabi may night differential. Napakaimportante talaga na maisaayos natin yong kanilang mga pay structure para maayos din yong kanilang mga benepisyo,” ayon kay Yamsuan, na dating Deputy Secretary General sa Kamara de Representante.
Dagdag pa ni Yamsuan na dapat ring magkaroon ng special fund at benepisyo ang mga ‘no-work, no-pay’ na manggagawa.
Nagpahayag naman ng buong suporta sa LUNAS Partylist ang Palawan Sound Organization (PLO), isang malaking grupo ng mga musikero sa Palawan, kung saan bumisita si Yamsuan kamakailan.
Sa third anniversary concert ng PLO na ginanap nitong nakaraang Linggo, hinikayat nito ang iba pang Palaweño na suportahan din ang LUNAS.
Ang LUNAS Partylist ay numero 58 sa balota para sa halalan sa ika-9 ng Mayo. (BP)