Advertisers
Sumakabilang-buhay na ang biyuda ni Action King Fernando Poe Jr. na si Susan Roces a.k.a. Lola Flora ng the longest TV teleserye na Ang Probinsiyano sa edad na 80.
Kasabay ng pagbuhos ng pakikiramay sa naiwang pamilya at mga mahal sa buhay ng yumaong Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Susan Roces ay marami nang ilang kilalang personalidad ang dumalaw sa unang gabi pa lamang ng kaniyang burol.
Kabilang na sa mga ito ay ang paboritong leading man ng beteranang aktres na si Eddie Gutierrez kasama ang kanyang maybahay na si Annabelle Rama at anak na si Ruffa Gutierrez.
Personal din na nagpaabot ng pakikiramay ang mga kilalang personalidad sa industriya na sina Maricel Soriano, Helen Gamboa-Sotto kasama ang asawang si Senator Vicente “Tito” Sotto III, at Sheryl Cruz na pamangkin ni Susan.
Dumalo rin sa unang gabi ng burol sina Mayor Lani Mercado-Revilla, Bryan Revilla, Bibeth Orteza, at marami pang iba.
Samantala, kahapon naman ang simula ng public viewing sa pumanaw na beteranang aktres mula alas-10 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi sa Heritage Park, Taguig City.
Magbibigay din ng Zoom link ang naulilang pamilya ni Susan para naman sa araw-araw na misa na idaraos.
Sa oras na maayos na ang schedule ay tsaka naman ihahayag ng kanyang pamilya ang araw at oras ng libing.
Patuloy naman na pinaalalahanan ang lahat nang personal na makikiramay na sumunod sa mga ipinatutupad na health and safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask sa lahat ng oras.
Hindi natin malilimutan si Lola Flora sa kanyang role bilang tapat ngunit matapang ng Barangay Kapitana sa teleseryeng “Ang Probinsiyano” na hango sa isang box office hit movie ni FPJ.
Hindi lamang sa pelikula at teleserye ipinakita ni Susan Roces ang kanyang Waray-waray na tapang kundi sa personal din nitong buhay nang komprotahin niya at akusahan ang noo’y Pangulo ng bansa na si Gloria Macapagal Arroyo ng pandaraya sa eleksyon laban sa kanyang asawang si FPJ noong 2004 national elections sa isang live television broadcast.
“The gravest thing that you (Mrs. Arroyo) have done is that you have stolen the presidency, not once, but twice,” sigaw pa ni Lola Flora sa live TV mula sa isang press conference na ginanap sa Club Filipino, Greenhills San Juan.
Ito ay sa kasagsagan ng “HELLO GARCI Scandal” kung saan lumabas ang recorded phone conversation ni GMA at ni dating Comelec Commissioner Virgilio Garcilliano na nagbibigay ng instructions si Macapagal-Arroyo kay Garci na alagaan ang kanyang boto sa Mindanao at piliting i-maintain ang kanyang kalamangan kay FPJ na isang milyong boto.
Isa itong malaking iskandalo na binansagang GLORIAGATE di lamang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Ngayon ngang pumanaw na ang tinaguriang Reyna Ng Pelikulang Pilipino na si Ms. SUSAN ROCES, batid natin na mapapanatag na siya at liligaya.
“Sabi nga ng anak na si Senator Grace Poe sa eulogy ng ina sa Heritage Park, sobrang missed na ng inang si Susan ang kanyang tatay na si FPJ.
“Ngayon ay magkakasama na sila sa dako pa roon ng buhay”, pahayag pa ni Senadora Grace.
Rest in peace Lola Flora!
We will miss you!
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com