Advertisers
IBA talaga pag nanay na, doktora pa ang nanay ng isang siyudad, kaya ang swerte ng mamamayang Manilenyo.
At makasaysayan, yes, history (hindi tsismis, Ella Cruz) ang pagkahalal kay Dra. Maria Sheilah Honrado ‘Honey’ Lacuna-Pangan bilang First Lady Mayor of the Capital City of the Philippines.
Muli, mabunyi at mainit na pagbati, Dra. Mayora Honey!
Mainit ding pagbati kay Vice Mayor John Marvin Cruz ‘Yul Servo’ Nieto at ang 38 city councilors ng Sangguniang Lungsod na alam nating todo ang suportang ibibigay sa ating unang Lady Mayor ng Maynila.
***
Napakinggan natin ang speech ni Mayora Honey noong Hulyo 4 (Inaugural Session of the 12th City Council) sa city hall at masasabi natin ang matimyas niyang pagnanais na mabigyan ng maayos, mahusay at mapagkakatiwalaang pamamahala ang bawat Manilenyo sa susunod na tatlong taon.
Doktora kasi, kaya prioridad niya ang kalinisan, kalusugan at kapanatagan ng isip at kalagayan ng mamamayang Manilenyo.
Sabi nga, Cleanliness is next to Godliness.
Kaya sa mensahe ni Mayor Honey, itinulad niya ang city hall at ang lahat ng offices and departments sa siyudad na parang bahay.
Sabi nga niya, bilang nanay ng Maynila, titiyakin niya na bukod sa maaliwalas at malinis ang lahat ng sulok sa mga opisina at lugar sa city hall, isang malinis, transparent na paglilingkod ang ibibigay niya sa madlang pipol.
Kaya sa kanyang Executive Order No. 6, itinalaga niya na bawat Biyernes, bago magsiuwian ang mga taga-city hall, kailangan malinis ang mga opisina, pasilyo at sa lahat ng lugar sa Manila City Hall.
Aniya, repleksiyon ang kalinisan sa bawat opisina at departamento ng city government sa maayos na pamamahalang ibibigay ng kanyang administrasyon sa loob ng tatlong taon.
‘Yan ang nanay ng Maynila: madisiplina!
***
Dahil sa banta pa rin ng COVID-19 ay agad na inumpisahan ni Mayora Lacuna ang pagtatayo ng Super Health Centers (SHC) na nilagyan ng kumpletong basic laboratory tests, portable x-ray, ecg machine at mga gamot.
Para nga naman, yung mga maysakit ay agad na maseserbisyuhan nang di na kailangang ipaospital.
Napakagandang serbisyo ito, at nabalitaan ko, inutusan daw ni Mayora Honey sa Manila Health Department at anim na ospital sa lungsod, at ang lahat ng health cluster na maging ever ready sa pagbibigay ng medical services sa mga maysakit.
At totoo bang may operation ‘Katok sa Maysakit Program” na mismong mga medical personnel ang dadalaw sa mga bahay ng mga maysakit para mabilis na magamot.
Wow, ‘yan ang serbisyong Nanay Honey Lacuna!
***
O, mga lolo, lola, solo parent, PWDs, wag mag-alala, bahala si Nanay Honey sa inyo, kasi sabi niya, yung inyong social pension, mga gamot at iba pang serbisyo, tuloy-tuloy.
Walang maiiwanan, lahat ng mga Queen-ager, lahat ng King-ager na Manilenyo, sisiguraduhing may pension.
Saka ipinaayos na, ipina-a-update ni Nanay Honey ang listahan ng SCs, PWDs, solo parents para matiyak na lahat ay may matatanggap na financial assistance.
At pag may problema kayo, punta na agad sa Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA), at sa Manila Social Welfare, iniutos ni Mommy Honey na asikasuhin kayo agad.
At pag di kayo tinulungan, isumbong nyo sa kanya at , naku lagot ang tatamad-tamad at yung padabog at nakasimangot.
‘Yung mga “diablo’ (Jobless), tambay sa kanto, aba, inutusan na ni Mommy Honey ang Public Employment Service Office (PESO) na magdaos ng Job Fair para may chance kayo na magkatrabaho.
‘Yung mga estudyante o mga di-na-nag-eeskuwela, gagawa ang PESO ng paraan para mahanapan kayo ng pagkakakitaan.
***
At eto ang masaya, mga suki, unang Executive Order ni Mommy Honey ay ang tungkol sa maayos na pamamahalang bayan.
Ayon sa kayang E.O. No. 1 na Policy of Truth, Transparency, and Responsiveness in Governance, yung mga transaksyon, mga gawaing bayan sa city government ay ibubukas sa publiko.
Gamit ang maraming information platform (website, social media) may garantiya ang mamamayang Manilenyo at ang iba pang interesado na malaman ang ginagawa ng mga taong gobyerno sa city government.
At ito pa, open si Mommy Honey sa mga puna, sa mga kritisismo at handa siya na makinig at pag-usapan ang lahat ng suggestion sa kahit sinoman.
‘Yan ang transparency program sa city hall, ang galing, ano po!
***
Aayusin na rin ni Mayora ang sitwasyon at promosyon ng mga tauhan sa city hall, kasi nakita niya, kung mabibigyan ng continuing education, training, tulong na scholarship para sa mga empleyado, mas magiging mahusay ang serbisyong Manilenyo.
Kaya, inutusan ni Mommy Honey ang Human Resource Management Office (HRMO) na bigyan ng training, educational help ang mga kawani para yung wala pang eligibility ay makapasa at yung iba pa ay maging qualified for promotion.
Merito, tunay sa serbisyo ang batayan sa pagtingin sa lahat ng kawani.
O mga taga-city hall, kilos at magpakasipag, ayaw ni Nanay Lacuna ng tatamad-tamad at ang mga pakuya-kuyakoy lang.
***
Ups, mga estudyante sa Grade 12 Sr. HS at mga iskolars ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UDM), at ang titser, propesor, lalong gagawing de kalidad ang edukasyon nyo.
Bukod sa maayos na paggamit sa Special Education Fund, aba, yung mga titser at propesor, bibigyan kayo ng grants, scholarship para mas mataas ang kaalaman nyo at talino na inyong maipapasa sa inyong estudyante.
Ganda, ano po?
“Basta sa kabutihan, kagalingan at mabuting serbisyo sa lahat ng Manilenyo, at sa publiko, handa kami, anomang oras na tumulong sa ating First Lady Mayor,” sabi ni Vice Mayor Servo sa isang interbyu.
Yan ang maganda, basta nagtutulungan ang lahat, makakaasa ang madlang Manilenyo at ang mga tao na may transaksyon sa city hall sa maayos, masinop at episyenteng serbisyo.
Kung ano ang pinakamataas na serbisyo at pagmamahal na nadama, nakita at nalasap sa panahon ni Manila Yorme Isko Moreno, aba, iyon din ang ibibigay nina Mommy Honey at VM Yul.
Sabi nga ni Dra. Lacuna, tuloy-tuloy ang mabuti, maaasahan, tuloy-tuloy na serbisyong totoo para sa magandang kinabukasan ng mamamayan at ng gobyerno ng Maynila.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.