Advertisers

Advertisers

‘ILALABAN KO ITO. ‘DI KO UURUNGAN ITO.’

0 24

Advertisers

NAGSIMULANG tahimik ang aking Sabado (Okt. 24). Tahimik akong pumunta sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Kyusi at nakinig sa dalawang panauhin na tumalakay sa pulitika ng bansa. Kasalukuyang nagbibigay ng huling pangungusap ang mga panauhin na si Robert Ace Barbers, dating kinatawan ng Surigao del Norte at tagapagsalita ng Prosecution Panel, at Dino de Leon ng Bantay Senado, isang civil organization na nagmamatyag sa paglilitis ni Misfit Sara, nang may lumapit sa akin na pulis na pabulong na nagsabing ako’y kanilang inaaresto sa salang cyberlibel.

Ipinakita niya sa akin ang nag-iisang ng papel na nagbaba ng utos ng Davao City Regional Trial 10 na arestuhin ako. Tinanong ko ang pulis kung sino siya at kinilala ang sarili bilang si Zarraga (hindi niya ibinigay ang kanyang ranggo at unang pangalan) at bahagi siya ng Cybercrime Division ng PNP na may punong himpilan sa Camp Crame. Tinanong ko kung sino ang complainant, ngunit wala siyang binanggit. Itinuro niya ang nag-iisang sipi ng arrest order.

Laking gulat ko dahil walang sinabi kung sino ang complainant. Kakaiba itong arrest warrant na ibinaba ng Davao RTC 10. Kakatwa. Hindi na nakalagay ang pagkakakilanlan ng nagrereklamo. Hindi ako abogado pero batid ko na sa larangan ng batas, kinakailangan kilalanin kung sino ang nag-aakusa at ang inaakusahan. Hindi maaari na wala ang pagkakakilanlan ng kahit sino sa magkabilang panig.



Sinabi sa akin ng pulis na kailangan kong sumama sa presinto at ito ang PNP Station 10 na may himpilan sa sa panulukan ng EDSA at Kamuning. Sinabi na may mga nakaunipormeng pulis na nakatakdang humuli sa akin. Sa sandaling ito, ako’y nagpasya. Patapos na si Dino de Leon sa kanyang huling pangungusap nang lapitan ko siya ang dala-dala ang ang nag-iisang papel ng arrest warrant. Ipinaliwanag ko na ako’y inaaresto batay sa isang e-warrant na inilabas ng Davao City RTC 10 na walang pangalan ng complainant.

“Tulungan mo ako, Dino. Ikaw na ang aking abogado,” ito ang malinaw kong bilin sa kanya. Hindi nagpatumpik-tumpik si Dino at kagyat na tinanggap ang alok na tumayong abogado ko. Nililinaw ko na hindi nagboluntaryo si Dino. Ako ang lumapit dahil may pangangailangan ako. Pinili ko siya. Pansamantalang umalis ako at umihi sa palikuran (comfort room)ina pa ako naiihi. Sa sandaling ako’y umalis, inihayag ni Dino sa forum na ako’y nahaharap sa isang arrest order sa bisa ng isang e-warrant.



Sinundan ako ni Zarraga at tinanong kung bakit inihayag ni Dino ang arrest order sa publiko, sa mga kinatawan ng media na pawang dumalo sa media forum. “Hindi ko alam at judgment call ni Dino iyon bilang aking abogado,’ pakli ko sa kanya. May himig na pananakot na nagsabing ako’y kanilang dinaadakip at dadalhin sa presinto. “Ako’y nakahanda,” sagot ko.

Hindi ko ganap na alam ang kabuuan ng laro ng mga pulis sa akin. Pero naisip ko sa dakong huli na sinadya nilang iparating na ako’y naharap sa kanilang pagdakip. Inasahan na makikipag-usap, makipag negosasyon sa kanila. Sa dakong huli, isasailalim ako sa isang proseso na ako ang dehado at sila ang panalo.



Hindi ako pumayag sa sitwasyon na ako ang talo at walang kontrol. Pinakamabisa na malaman ng publiko ang aking kalagayan at ang galawan ng mga pulis. Hindi ko dapat ibigay sa mga pulis sa kontrol ng mga pulis ang sitwasyon. Ako ay dinakip at binasahan ng aking Miranda Rights. Pinosasan ako at dinala ng kanilang mobile car sa Station 10. Sumunod ang maraming mediamen na nakasaksi sa aking pagkaaresto.

Pagkalipas ng isang oras, dumating ang aking kaibigan na si Ariel Ayala, ang host ng news forum, at inabot ang P50,000 na pampiyansa sa aking asunto. Itinakda sa P48,000 ang piyansa para sa aking pansamantalang ikalalaya. Nakahinga ako ng maluwag. Sinabi ni Ariel na nag-ambag ang mga kasama at kaibigan sa media. Hindi ko na itinanong ang mga detalye.

Tumigil ako ng ilang oras sa presinto. Sumailalim ako ng pagsusuri ng doktor sa isang pagamutan sa Kyusi. Nagtrabaho ang aking mga manananggol upang kumpletuhin ang mga requirement para sa aking provisional release. Tumulong sina Atty Mark Dacula at Atty Pia Olga Naya. Kasama nila si Dino sa Dargon Law Offices, isang kilalang bupete.

Sarado ang opisina sa Sabado. Iyan ang problema. Bukod diyan walang ibinigay na information ang Davao RTC at isa ito sa mga requirement sa aking pansamantalang ikalalaya. Nalaman ng aking kaibigan na si Jarius Bondoc, isang mamamahayag, ang aking kalagayan. Hindi pumayag si Jarius na aabutin ako ng Lunes sa kulungan sa salang hindi ko alam ang mga detalye.

Samantala, habang ako’y nasa presinto naglabasan ang mga pahayag ng suporta ng National Press Club, kung saan ako’y isang lifetime member, at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP). Nandiyan ang Office of the President Presidential Task Force on Media Security. Nagpadala sila ng sugo sa presinto upang malaman ang aking kalagayan. Binisita ako ni Sen. Risa Hontiveros at inalam ang aking kalagayan.

May ilang backroom moves na hindi ko na babanggitin. Sa wakas, may isang inquest fiscal ang dumating ng 9 ng gabi upang magtrabaho. Hindi ko alam kung sino ang nagpatrabaho. Hindi ko alam kung sino siya. Tinanggap ang aking piyansa at pagkatapos ng ilang paper works, ako’y pinalaya. Alas-onse ng gabi ng ako’y nakauwi sa aking tahanan.