Advertisers

Advertisers

P179 M SMUGGLED NA SIGARILYO, TOBACCO, WINASAK NG BOC-MICP

0 22

Advertisers

Limang container ng smuggled na sigarilyo at dried tobacco na may kabuuang halagang P179.03 milyon ang winasak ng Bureau of Customs–Manila International Container Port (BOC-MICP) bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa smuggling at ilegal na kalakalan at upang matiyak na hindi na muling makakapasok sa merkado ang mga nakumpiskang produkto.

Binigyang-diin ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno na hindi nagtatapos ang pagpapatupad ng batas sa pagkakasabat ng mga ilegal na produkto.

“Hindi sapat na masabat natin ang mga ilegal na produkto. Kailangan nating siguraduhin na hindi na ito makakabalik sa merkado at muling makapipinsala sa publiko. Sa pagsira sa mga kontrabando, pinoprotektahan natin hindi lang ang kaban ng bayan kundi pati na rin ang mga lehitimong negosyo at ang kapakanan ng ating mga kababayan,” ayon pa kay Nepomuceno.



Napag-alaman kay BOC spokesman Atty. Chris Noel Bendijo na isinagawa ang tatlong araw na destruction activity mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 2, 2026 sa Greenleaf88 Non-Hazardous Waste Disposal Facility sa Porac, Pampanga at kabilang sa mga winasak ang apat na 20-foot container ng mga sigarilyong may tatak na Platinum, Cannon, King Philip, Lasa, Modern, at H&P, at isang 20-foot container ng tuyong dahon ng tobacco.

Ayon kay Bendijo, ang mga kargamento ay isinailalim sa 100% physical examination noong Oktubre 8, 2025 at kalaunang kinumpiska pabor sa pamahalaan dahil sa paglabag sa Graphic Health Warnings Law, TRAIN Law, at Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).



Bukod sa pagpigil sa pagbalik ng mga kontrabando sa merkado, ang operasyon ay naglalayong protektahan ang kalusugan ng publiko, pangalagaan ang kita ng pamahalaan, at tiyakin ang patas na kompetisyon para sa mga lehitimong negosyo, dagdag pa niya.

Napag-alaman naman kay MICP District Collector Atty. Felipe Geoffrey De Vera IV na mahalagang maipatupad ang lahat ng kaukulang proseso hanggang sa legal at wastong disposisyon ng mga nakumpiskang kalakal upang mapanatili ang integridad ng customs enforcement.



Ang operasyong ito ay patunay umano ng patuloy na pagsusulong ng BOC ng mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa smuggling at iba pang anyo ng ilegal na kalakalan, alinsunod sa mga prayoridad ng pamahalaan sa pangangalaga ng kita ng bansa at proteksyon sa publiko. (JERRY S. TAN)