Advertisers
Ipinagdiwang ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang kanyang ika-52 kaarawan nitong Sabado sa pamamagitan ng pamamahagi ng bagong bahay sa 52 pamilya, sa ginanap na In-City Vertical Housing Project Grand Raffle noong Oktubre 24, 2026.
Nabunot ang 52 maswerteng benepisyaryo na titira sa ready-for-occupancy units sa San Lazaro Residences — isang 20-palapag na pabahay na may health center, pinakamalaking public laboratory sa bansa na pag-aari ng Lungsod ng Maynila, commercial area, swimming pool, at function room. Ang bawat unit ay 42 square meters na may dalawang kwarto, sa halagang P2,000 hanggang P3,000 kada buwan lamang.
Personal na binunot nina Mayor Domagoso at Vice Mayor Angela Lei “Chi” Atienza ang mga nanalong stub mula sa raffle drum sa harap ng humigit-kumulang 3,300 aplikante na sumubaybay sa live broadcast sa Facebook pages ng Manila Public Information Office, Manila Urban Settlements Office, at official page ng alkalde.
“Sa mismong araw ng aking kaarawan, napakasaya po sa pakiramdam na makapaghatid tayo ng pag-asa at bagong simula sa mga pamilyang nangangarap ng maayos at disenteng tirahan,” ani Domagoso.
Ipinaliwanag ng alkalde, na mismo ay lumaki bilang informal settler, na nananatili sa pangangalaga ng pamahalaang lungsod ang mga unit upang maiwasan ang pang-aabuso tulad ng pagbebenta ng pabahay sa iba.
Kapag umalis ang benepisyaryo, ibabalik nang buo ng lungsod ang kanilang naihulog — halimbawa, ang 20 taon na naghulog ng P2,000 kada buwan ay makatatanggap ng P480,000.
Ibinahagi rin niya na ang nakokolektang amortisasyon ay ini-invest sa government securities sa ilalim ng ordinansang siya mismo ang may-akda noong pandemya, at lumago na sa P50 milyon.
Ang San Lazaro Residences ang ikapitong in-city housing project sa ilalim ng administrasyong Domagoso, kasama ang Tondominium 1, Tondominium 2, Basecommunity, Binondominium 1, Pedro Gil Residences, at San Sebastian Residences, habang itinatayo pa ang Binondominium 2. (Jocelyn Domenden)