Advertisers
Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na suportado niya ang mga pagsisikap na magkaroon ng “pagtatapyas” sa burukrasya upang mas maging epektibo o episyente ang pagsisilbi ng pamahalaan sa taongbayan.
Gayunman, iginiit ng senador na dapat ding isaalang-alang ang kapakanan ng mga empleyado ng gobyerno na maaaring maapektuhan ng naturang hakbangin.
Ginawa ni Go ang pahayag kasunod ng mungkahi ng Department of Budget and Management na “i-rightsize” ang burukrasya para maalis ang mga redundancies sa mga ahensya ng gobyerno.
Sa pamamagitan nito, matutulungan ang gobyerno na makatipid ng hanggang P14.8 bilyon taun-taon.
“Sinusuportahan ko ang mga hakbang para ma-streamline ang burukrasya upang maging mas mabilis, maayos, at maaasahan ang serbisyong nakukuha ng mga tao,” ani Go.
“Ngunit sa lahat ng ito, dapat ding ikonsidera ang kapakanan ng mga kawani ng gobyerno na posibleng mailipat, mapalitan, o maalisan ng mandato o trabaho,” patuloy ng senador.
Sa ilalim ng nasabing panukala, ang DBM ang magdedesisyon kung alin sa 187 ahensya ng gobyerno at government-owned and -controlled corporations ang maaaring i-streamline sa pamamagitan ng merger, restructuring o abolition.
Lumabas ang panukala matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang kanyang unang executive order na muling pag-sasaayos sa Office of the President at pag-abolish sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at Office of the Cabinet Secretary.
Muling inulit ni Senator Go ang pangangailangang protektahan ang kapakanan ng mga empleyado ng gobyerno na maaaring maapektuhan ng rightsizing.
“Pagdating sa rightsizing, dapat magkaroon ng maingat na balanse sa pagitan ng pagtanggal ng mga redundancies at inefficiencies sa burukrasya upang makapagbigay ng serbisyo publiko na makakatulong sa pag-angat ng buhay ng mga Pilipino, habang kasabay nito, protektahan ang interes ng mga manggagawa sa pampublikong sektor,” iginiit ni Go.
“Dapat nating tiyakin na ang mga manggagawa sa gobyerno na maaaring maapektuhan ay mabibigyan ng tamang kompensasyon, angkop na proseso alinsunod sa mga alituntunin sa serbisyo sibil at iba pang mga regulasyon, at kapag itinuring na kinakailangan, ang mga alternatibong pagkakataon sa trabaho upang magsimulang muli lalo na sa gitna ng mga pagsubok na ito,” patuloy niya.
Binigyang-diin din ng mambabatas na patuloy niyang isusulong ang mga hakbang na magpapaunlad sa paghahatid ng serbisyo publiko at mapuksa ang korapsyon bilang bahagi ng kanyang pagsisikap na tulungan ang bagong administrasyon at ipagpatuloy ang nasimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa ikabubuti ng bansa. .
“Kaakibat ng layunin ng bagong administrasyon na ayusin ang burukrasya ay ang mga panukalang batas na aking ipinaglalaban ngayon. Isa na rito ang E-governance Bill na ang hangarin ay bawasan ang red tape gamit ang teknolohiya. Kasama rin diyan ang ating patuloy na laban kontra korapsyon na pangunahing sanhi ng pagkasayang ng ating mga public resources,” ani Go.
“Sa kabuuan, suriin nating mabuti ang mga hakbang na ating gagawin upang malutas ang mga problema sa loob ng gobyerno at maproteksyunan din ang kabuhayan ng lahat ng mga Pilipino. Dapat walang magutom lalo na sa panahon ngayon,” ayon pa sa senador.